Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



Isang uri ng kuwento na nangyari libu-libong taon na ang nakalipas. mababasa sa kuwentong ito ang iba pang teorya tungkol sa pinagmulan ng Pilipinas at ng ng lahing Pilipino. View table of contents...


Chapters:

1 2

Submitted:Dec 9, 2012    Reads: 48    Comments: 1    Likes: 1   


ISLA GRANDE

-Charlie S. Flojo-

Mawawasak na ang Ragnarok dahil sa nagaganap na labanan sa pagitan ng mga diyos na Aesir laban sa mga dambuhalang halimaw na Jotun. Dahi dito, si Dios na kilala rin sa tawag na Keos, Zeus o Deus ay agad na inutusan ang lahat ng kanyang mga asawa na lisanin na ang lugar na ito.

Si Luzviminda, isa sa mga asawa ni Dios, ay sumakay ng isang dambuhalang kamelyo at agad na nilisan ang Ragnarok. Nagtungo siya sa Malayong Silangan upang doon isilang ang kanilang magiging anak.

Subalit sa kanilang pagtakas ay tinugis sila ng mga dambuhalang Behemot o mga Dinosor. Dahil sa matinding sugat na tinamo ng dambuhalang kamelyo laban sa mga Dinosor na bumubuga ng apoy, ito ay bumagsak at namatay sa karagatan ng Pasipico. At mula sa karkas o bangkay ng dambuhalang kamelyo ay nabuo ang maraming pulo na kung tawagin ay Pulo ng mga Dagat o Pilipinas. Sa lugar na ito, si Luzviminda ay nagsilang ng tatlong sanggol; sina Luzon, Visayas at Mindanao. Lumipas ang maraming taon ay dumami ang kanilang mga supling. Ito ay nangyari bilang katuparan sa hula ni Dios.

"Darami ang ating mga supling sa lugar na kung tawagin ay Perlas ng Silanganan. Tatawagin silang mga Pilipino sapagkat sa kanila magmumula ang mga lahing pili at pino."

Lumipas ang maraming panahon, maraming mortal na lulan ng mga balangay ang napadpad sa kapuluang ito ng Pilipinas. Galing sila sa iba't ibang panig ng daigdig na iniluwal ng mga asawa ni Dios. Sila ay mabilis na dumami sa kapuluang ito. Karamihan sa mga mortal na ito ay magaganda kaya nabighani sa kanila ang mga anak ng diyos. Dahil dito, ang karamihan sa mga mortal na ito ay naging asawa ng mga anak ng diyos.

Marami rin naging anak si Luzon at marami rin siyang naging apo. Isa na rito si Apo. Napabantog si Apo dahil sa kanyang kadakilaan at katalinuhan. Taglay ni Apo ang kapangyarihan ng isang diyos. Subalit nang umibig siya sa isang napakagandang mortal na babae na tinawag niyang Kababae, ang pagkadiyos ay nawala sa kanya. Nagbunga ang kanilang pag-iibigan ng isang sanggol na lalaki at tinawag na Kalalake. Nang dahil dito, lalong nagalit sa kanya ang mga diyos at si Apo ay tuluyan nang itinakwil sa kapulungan ng mga diyos.

Dahil sa wagas na pag-iibigan nina Apo at Kababae, dumami pa lalo ang kanilang mga supling. Ang ilan sa mga ito ay naging asawa ni Bataan na anak ni Apo Abucay. Naging masagana ang kanilang lupain at baybayin dahil sa kadakilaan at katalinuhan ni Apo. Kalaklan ang ipinangalan nila sa kanilang kaharian sapagkat ito ang naging sentro ng kalakalan ng iba't ibang kaharian at ng mga dayuhan.

Lumipas pa ang maraming panahon, isinilang ang isang sakim na nilalang sa katauhan ni Arabo na anak ni Bangal sa isang dayuhang mangangalakal na kalbo na kung tawagin ay Arabohok (Kaya daw pala laging nakatalukbong ang dayuhang ito ay dahil wala siyang buhok kaya tinawag siyang Arabohok).

Nais agawin ni Arabo ang trono ni Apo kaya walang awa niyang pinapatay ang mga taong nais humadlang sa kanyang layunin.

Isang araw, nagulat na lamang ang lahat nang mabalitaang pinugutan ang Apo at tinangay ang Caban o baul kung saan nakasilid ang kanyang mahahalagang kayamanan.

Labis ang pagdramdam ng buong kaharian sa nangyari. At sa pamumuno ni Zambales, isa sa mga anak ni Apo, tinugis nila si Arabo at ng kanyang mga hukbo. Napatay nila si Arabo sa pamamagitan ng madugong labanan subalit ang Caban ay hindi na nabawi sapagkat iniutos ni Arabo na ibaon ito sa isang isla na kung tawagin ay Isla ni Kamatayan.

Nagpadala si haring Zambales sa nasabing isla ng maraming mandirigma upang ibalik sa kaharian ang nasabing Caban ngunit nangabigo ang mga ito sapagkat kahit isa sa mga mandirigma ay hindi nakabalik. At nasundan pa ng marami ang pagpapadala ngunit walang nagtagumpay. At mula noon, bawat nilalang na mapadpad doon ay hindi na nakakabalik na kahit anino o kaunting bakas man lamang ay walang makitang palatandaan na sila ay nakababalik mula sa islang iyon. Kaya naging palaisipan sa marami ang tungkol sa hiwagang bumabalot sa nasabing isla kaya ang islang ito ay tinawag nilang Isla ni Kamatayan.

Mula noon, natakot na ang mga taong pumalaot sa karagatan sapagkat ayaw nilang matulad sa mga libu-libong mga tao na basta na lamang nawawala. Hindi na rin sila makapangisda sa karagatang ito kaya pinagtuunan na lamang ng kaharian ang pag-aalaga ng mga hayop tulad ng mga baka baboy, manok at iba pa.

Samantala, nagalit din si mang Kepweng, isang matandang ermitanyo na diyos ng kagubatan, sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Apo. Kaya mula noon, hindi na nakapupunta ang mga tao sa teritoryo ni mang Kepweng dahil tiyak na sisilain sila ng mga mababangis na hayop na kanyang alaga. Sa tuwing kabilugan ng buwan ay sumasalakay ang mga mababangis na hayop na alaga ni mang Kepweng sa kaharian ni Zambales bilang bayad-sala sa pagkamatay ni Apo. Nagtangkang lumaban ang mga mandirigma ng kaharian noong una ngunit talagang hindi nila kayang lupigin ang mga mababangis na hayop. Kaya sa tuwing sasalakay ang mga ito, pinapainan na lamang nila ng mahigit isandaang baka at kapag nabusog ang mga ito ay kusa naman silang umaalis. Sinubukan pa nilang painumin ng mga lason ang mga baka bago ipakain sa mga mababangis na hayop subalit parang may isip ang mga ito. Hindi nila kinakain ang mga bakang may lason. Kaya hindi rin umubra ang naisip nilang paraang ito. Dahil dito, ang bakahan ng hari ay hindi dumami sapagkat mahigit isandaang baka kada buwan ang itinutustos nila bilang pagkain ng mga mababangis na hayop. Sapagkat kung hindi nila ito gagawin, tiyak na mga tao ang kakainin ng mga ito at kapag nagkaganoon ay lalong malagay sa panganib ang kaharian.

Samantala, si Cabalan, isa sa mga asawa ni Arabo ay nakatakdang bitayin dahil napagbintangan siyang nakipagsabwatan kay Arabo. Si Cabalan ay isa rin sa mga anak ni Apo. Siya ang nag-iingat sa Caban na pinagsidlan ng mahahalagang kayamanan ni Apo. Pilit na pinaibig ni Arabo si Cabalan upang makuha ang Caban. May alaga rin si Cabalan na kalapati na bigay sa kanya ni Apo noong maliit pa lamang siya. Ang kalapating ito ang nagdadala ng mga mahahalagang impormasyon sa kaharian mula sa mga diyos na nakasulat sa berdeng dahon. Kung minsan mga hula tungkol sa kaharian ang nakasulat sa berdeng dahon. Subalit ang kalapating ito ay naging dambuhala at bigla na lamang umalis nang mamatay si Apo.

Si Asinan, isang alipin at magaling na hilot ay nakiusap kay haring Zambales na kung maari ay ipagpaliban muna ang pagbitay kay Cabalan hanggang sa araw na maisilang niya ang sanggol sa kanyang sinapupunan sapagkat nagdadalantao siya kay Arabo. Pinagbigyan naman ang pakiusap ng alipin sa isang kundisyon, ang ipapanganak ni Cabalan ay magiging alipin ng kaharian.

Isang gabi, biglang sumabog ang bulkang Pinatubo. Nataon ito sa pagsilang nina Cabalan at reyna Candelaria. Kapwa namatay ang dalawa nang maisilang nila ang kani-kanilang sanggol. Subalit bago malagutan ng hininga si Cabalan, nakiusap siya kay Asinan na ipalit ang kanyang anak sa anak ng hari. Ayaw kasi niyang maghirap sa pagiging alipin ang kanyang anak balang araw. Nagtagumpay naman si Asinan na pagpalitin ang dalawang sanggol sapagkat siya ang nagpaanak sa dalawa. Isa pa, nagkakagulo ang mga tao noon dulot ng malakas na pagsabog ng bulkan, pagyanig at pagragasa ng mga laba nito.

Nakiusap si Asinan sa hari na siya na lamang ang mag-aruga sa bata. Pumayag naman ang hari. At inilihim ni Asinan ang tunay na pagkatao ng dalawa.

Ang pagsilang ng sanggol na babae ni reyna Candelaria ay nagdulot ng malaking agam-agam sa kaharian. Sapagkat ayon sa hula na nakasaad sa berdeng dahon na dala ng kalapating alaga ni Cabalan,

"Sa pagsabog ng bulkan, isisilang ang isang sanggol na lalaki mula kay Candelaria na siyang magtatanggol sa kaharian. Pangangalanan siyang Sabik sapagkat mananabik sa kanya ang isang prinsesa at mananabik din siya sa pagmamahal ng kanyang ama."

Sa labis na tuwa ng hari sa sanggol, kinalimutan na niya ang nakasaad sa hula. At naisip niya, yamang wala na ang kalapati ay marahil ay hindi na rin totoo ang hula. Rita ang ibinigay na pangalan ng sanggol. Ang tunay na anak ng hari ay lumaki sa piling ni Asinan. Subic ang ipinangalan sa bata.

Isang araw, sumangguni ang hari sa pamamagitan ng orakulo tungkol sa kanyang anak. Sinabi ng babaylan na...

" Isinilang na ang apo ni Apo na magsisilbing tari ng kaharian. Sino mang magtangkang wawasak sa tari ay masusugatan at mamatay."

Nanginig si Asinan sa sobrang takot dahil sa sinabing ito ng babaylan sapagkat alam ni Asinan na malaki ang nagawa niyang kasalanan sa nakatadhana. Subalit nilapitan siya ng babaylan at binulungan si Asinan.

" Protektahan mo ang tari at ilihim mo sa lahat ang tunay niyang pagkatao."

Dahil dito, nilayasan ng matinding takot si Asinan.

Samantala, ang hari ay labis namang natuwa sa sinabi ng babaylan dahil natiyak niya na ang kanyang sanggol ang tinutukoy ng babaylan na tari, na kabaliktaran ng Rita. Sapagkat ayon sa hula, lalaki ang nakatadhana subalit kabaliktaran din ang nangyari dahil babae ang isinilang ng reyna. Kaya si haring Zambales ay nagbunyi.

"Mabuhay ang tari ng kaharian!"

" Mabuhay!"

"Mabuhay si prinsesa Rita, ang tari ng kaharian!"

" Mabuhay!"

Sumumpa si haring Zambales sa sanggol na mamahalin niya ito. Na kailanman ay hinding hindi mananabik ang prinsesa sa kanyang pagmamahal upang mabaliktad ang nakasaad sa hula. Kaya mula noon, hindi na nag-asawa ang hari upang mapagtuunan niya ng pansin ang prinsesa.

Habang lumalaki ang dalawang bata ay mas gusto ng prinsesa na makipaglaro kay Subic kaysa sa mga batang duke at dukesa na masusungit at iyakin. Lihim silang nagtatagpo. Minsan, nagbabalatkayo si Subic bilang isang duke upang malaya siyang makapunta sa palasyo. Si prinsesa Rita naman ay nagbabalatkayong anak ng alipin upang malayang makapunta sa kinaroroonan ni Subic. Minsan ay tumatakas sila at namamasyal kung saan-saan. Sa ilog, upang magtampisaw, lumangoy, mamingwit at mamangka. Sa gubat, upang mamitas ng mga prutas at maglambitin sa mga baging. Sa dalampasigan, upang maghabulan. Sa tuktok ng mataas na bundok, upang magpadulas na nakasakay sa palapa ng niyog, pagmasdan ang magagandang tanawin at magpalipad ng saranggola. Sa hardin, upang mamitas ng mga bulaklak at manghuli ng mga paruparo at marami pang iba. Sadyang walang tatalo sa kanilang kasiyahan.

Isang araw, nahiwagaan si prinsesa Rita sa balat na hugis puso na nasa dibdib ni Subic. Hinipo niya ito at masusing pinagmasdan. Nang umuwi si Subic ay tinanong niya si Asinan ang tungkol sa balat na naroon sa kanyang dibdib. Kinabahan si Asinan. Lalo pa itong kinabahan nang sabihin ni Subic na nakita at hinawakan ito ng prinsesa. Dahil dito, tinagubilinan ni Asinan si Subic na huwag niyang ipagsabi kanino man na may balat siya sa kanyang dibdib. At upang makatiyak si Asinan, binuhusan niya ng mabisang asido upang matakpan at maitago nang maayos ang balat na ito ni Subic.

Nang sumapit si Subic ng sampung taong gulang, siya ay nakitaan ng pambihirang kapangyarihan. Kaya niyang itaboy ang mga mababangis na hayop. Dahil dito, pinalabas ng dalawa na si Asinan ang nagtataglay ng kapangyarihan upang hindi pagdudahan ang bata.

Nang malaman ng hari na napaatras ni Asinan ang mga mababangis na hayop na umaatake kada buwan, siya ay tuwang-tuwa. Dahil dito, si Asinan ay pinalaya sa pagiging alipin at binigyan siya ng katungkulan sa kaharian bilang punong tagapamahala sa bakahan ng hari.

Nang umabot si Subic sa edad na labindalawa ay lalong naging puspusan na ang pagsasanay ni Asinan kay Subic. Sinanay niya ito sa larangan ng pakikidigma. Kung minsan, parang nawawalan na ng interes si Subic sapagkat ayon sa kanya ay hindi naman kailangang maging napakalakas niya bilang isang alipin. Subalit mapilit si Asinan at sinanay niya nang husto si Subic. Nandiyan ang ipahabol siya sa limang leon na magkakasunod upang tumakbo siya sa kabundukan nang maghapon nang walang tigil. Ipahabol sa mga gorilya upang matutong maglambitin sa mga baging at tumalon sa mga bangin. Maglalangoy sa malawak na ilog nang walang tigil simula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw. Sinanay siya na lumaban na nakapiring ang mata, nakagapos ang kamay at marami pang iba.

Nang magbinatilyo at magdalagita na sina Subic at prinsesa Rita, sila ay nagpapalipad ng malaking saranggola. Sa ilalim ng malaking saranggola ay may nakabitin na malaki at matibay na lambat upang maari itong lulanan. Lumulan sila at masaya nilang pinagmasdan ang kabuuan ng kaharian habang nakasakay sa malaking saranggola. Palihim namang dumating si Mercano, ang mahigpit na karibal ni Subic sa puso ni prinsesa Rita. Bigla nitong pinatid ang tali ng saranggola na nakatali sa malaking puno. Tinangay ng malakas na hangin ang saranggola at tumuloy ito sa teritoryo ni mang Kepweng. Subalit bago ito bumagsak sa mga nagsiabang nang mababangis na hayop, isang dambuhalang kalapati ang dumating at dinaklot ang dalawa at pilit na inililipad papalayo sa mga mababangis na hayop. Subalit dahil sa hindi makayanang ilipad ang dambuhalang kalapati ang dalawa, nagpatihulog si Subic at si prinsesa Rita ay ligtas na nailipad ng kalapati pabalik sa bakahan ng hari. Samantala, si Subic ay hinabol ng mga mababangis na hayop. Siya ay pumasok sa isang bunganga ng yungib na pinananahanan ng mga gorilya.

Samantala, nag-aalala ang buong kaharian dahil maggagabi na ay hindi pa makita ang prinsesa. Sinabi ng kanyang dama na dinukot siya ni Subic. Dahil kapag sabihin ng dama ang totoo na lihim na nagkikita sina Subic at prinsesa Rita ay tiyak na ipabibitay ng hari ang dama.

Ipinagalugad ng hari ang buong kaharian upang hanapin ang dalawa. Sa wakas, nahanap ni Mercano ang prinsesa.

Nang usisain ang prinsesa tungkol sa mga nangyari ay hindi ito makapagsalita. Nanatili siyang tulala ng maraming araw. Samantala, si Mercano ay ginawang pinakabatang mandirgma ng kaharian dahil diumano sa pagkaligtas niya sa prinsesa. Si Asinan naman ay ipinakulong ng hari dahil sa ginawa diumano ni Subic. Iniutos naman ng hari na huliin si Subic patay man o buhay.

Samantala, si Subic ay nakipamuhay nang ilang panahon sa mga gorilya habang nagtatago sa hukbo ng hari. Nagtaka si Subic kung bakit matatakutin at bihirang lumalabas ang mga gorilya sa kuweba. Napag-alaman niya na inaapi at pinapatay pala sila ng isang malaki at malalakas na kawan ng mga gorilya. Ipinagtanggol ni Subic ang mga nakakaawang gorilyang ito laban sa mababangis na gorilyang pumamatay sa kanila at sa wakas nalupig din nila.

Lumipas ang ilang araw at sumapit na naman ang kabilugan ng buwan. Muling lumusob ang mga mababangis na hayop. Ipinalabas si Asinan mula sa kulungan upang ipataboy sa kanya ang mga mababangis na hayop. Subalit alam niyang hindi niya kayang itaboy ang mga ito dahil si Subic ang tunay na may kapangyarihan. Kaya nagkunwaring may sakit siya at hindi kayang bumangon. Mahigit limampu na ang pinatay na mga baka. Ipinasuri si Asinan sa manggagamot kung totoong may sakit siya subalit ang sabi ng manggagamot ay wala namang sakit si Asinan. Iminungkahi ni punong ministro Japon na itapon si Asinan sa harapan ng mga mababangis na hayop upang mapilitan siyang itaboy ang mga ito. At ganoon nga ang ginawa nila. Itinulak nila si Asinan sa may bangin na maraming baging kung saan naroon sa ibaba ang mga baka at mababangis na hayop. Ngunit bago bumagsak si Asinan ay sinalo siya ng isang gorilya. Pagkatapos ay itinaboy nila ang mga mababangis na hayop. Tuwang-tuwa ang hari sa kanyang nasaksihan at noon din ay pinatawad na ng hari ang kasalanan ni Asinan. Muli siyang pinamahala sa bakahan ng hari. Binigyan siya ng limampung alipin upang makatulong sa pangangalaga ng mga baka. Ang mga aliping ito ay pinagawa niya ng mga dam, dike at turbina kasama ang napakalakas na gorilya na nagbalatkayong si Subic. Siya ang tagabuhat ng malalaking bato. Natuwa nang husto ang hari nang mayari nila ang mga naglalakihang dam, dike at turbina sapagkat may sapat nang tubig sa panahon ng tag-init. Ang mga damo sa tuktok ng bundok ay nadidiligan sa pamamagitan ng turbina. Hindi lamang damo at baka ang dumami kundi pati mga prutas, isda, itik, pananim at iba pang mga alagang hayop sapagkat sagana na sa tubig ang kaharian. Sa pamamagitan ng dam at dike na mga ito ay para na rin silang nakagawa ng malawak na karagatan. Dahil dito, si Asinan na dating alipin ay ginawang Ministro ng kaharian. At maraming nainggit kay Asinan.

Nagpahanda ang hari ng malaking pagdiriwang dahil sa pagkatalaga kay Asinan bilang ministro. Isandaan baka ang kinatay. Naging bida rin ang alagang gorilya ni Asinan sa pagdiriwang ito. Nagkaroon ng sayawan. Nang isayaw ni prinsesa Rita ang maamong gorilya ay labis ang panibugho ni Mercano.

Nang matapos ang pagdiriwang ay dinukot ng mga pirata si ministro Asinan. Pagod ang lahat dahil sa katatapos na pagdiriwang kaya hindi nila namalayan ang pagdukot. Alam ng mga pirata na malaking pakinabang at lalakas ang kanilang puwersa kapag mapasakanila si ministro Asinan. Si ministro Asinan kasi ang tanging nakakaalam sa pormula ng paggawa ng mabisang asido na nakasusunog sa kalaban. Si Balicbalic na bihasa sa bumerang (isang uri ng sandata na kapag ipinukol ay bumabalik) at dating alipin sa kaharian ang pinuno ng mga pirata. Sila ang mga tulisang dagat na sumasalakay sa mga mangangalakal sa gitna ng karagatan. Subalit natigil ang gawain nilang ito simula nang natakot na ang mga mangangalakal na dumaan sa karagatang sakop ng kaharian ni Zambales. Kaya ang mga taong nasasakupan ni haring Zambales ang kanila namang ngayong binibiktima. Ninanakawan nila ang mga ito. Ang iba ay dinudukot upang gawing maging kaanib nila.

Kasabay nito, ginahasa at pinatay ni Mercano ang pinakamaganda at pinakamatalik na dama ni prinsesa Rita na si Nelie. Ang krimen ay ibinintang sa gorilyang si Subic. Dahil dito, nagmadaling tumakas si Subic. Hinubad niya ang kanyang kasuotan na balat ng gorilya at ibinigay niya kay aliping Felipe na nakatakdang dalhin sa kaharian ng Hanjin. Si Felipe, isa sa mga sampung alipin na ipagbibili ni haring Zambales kay haring Hanjin. Isinuot ni Subic ang kasuotan ni Felipe at siya ay isinakay sa karwahe kasama ang siyam na alipin at sila ay dinala sa isang minahan na sakop ng malawak na kaharian ng Hanjin.

Malulupit ang mga itinalagang bantay sa kahariang ito. Pinagsasamantalahan pa nila ang mga kababaihan. Hindi ito natiis ni Subic kaya pinatay niya ang apat na tagapagbantay. Ipinatugis siya ng pinuno ngunit mabilis siyang nakatakbo hanggang sa mapadpad siya sa kulungan ng mga gladiador. Gumapang siya sa nakabukas na kulungan ng gladiador. Nakita niya ang isang lalaking nanginginig sa takot na hawak ang isang bakal na maskara. Nagmadaling kinuha ni Subic ang maskara at isinuot niya ito upang maitago ang kanyang mukha sa mga humahabol sa kanya. Tinulungan pa ito ni Gordon na isuot ang bakal na maskara sa kanyang mukha. Si Gordon ay isang gladiador. Siya ang susunod na lalaban sa mabangis na tigre na pumatay na ng mahigit isandaang gladiador. Kaya nang tawagin ang pangalang Gordon, lumabas ang lalaking nakamaskara at hinarap ang tigre sa arena. Ang tunay na Gordon ay agad tumakas.

Samantala si Subic ay dehado sa pustahan ngunit sandali lamang niya tinapos ang tigre. Dito nagsimulang mapabantog si Subic bilang Gordon. Kung kani-kanino siya inilalaban. Idinadayo sa iba't ibang kaharian. Sa mahigit sanlibo niyang laban, kahit minsan ay hindi siya natalo. May mga pagkakataon pa na inilalaban siya sa mga mababangis na hayop. Inilalaban din siya nang walang hawak na sandata sa kalabang may sandata. Nasubukan din niyang lumaban nang matira ang matibay sa loob ng malaking kulungang bakal na mahigit isandaang gladiador ang kalahok at siya ang panalo. Lumaban din siya sa arenang may tubig na gamit ang maliit na bangkang pandigma. Nasubukan din niyang lumaban nang walang tigil sa loob ng beinte kwatro oras at sa araw na iyon, siya ay tumalo ng mahigit isang daang gladiador. Nang dahil dito, yumaman nang husto si haring Hanjin. Yumaman din ang mga haring palaging pumupusta panig kay Gordon lalung-lalo na si haring Zambales na noong una pa ay gusto na niyang bilhin kay haring Hanjin ang gladiador na ito na si Gordon.

Isang araw, nakaharap ni Gordon si Coryano, ang dayuhang gladiador na napakalakas at hindi pa natatalo sa lahat ng kanyang laban. Sinabi ni haring Hanjin na kailangang magpatalo siya dahil pupusta siya kay Coryano. Sinabi rin ni haring Hanjin na nakipag-ayos na siya sa mga Berdugo upang hindi siya tuluyang patayin kapag natalo o umayaw sa gitna ng labanan. Sinabi pa rin niya na palalayain na siya sa pagiging gladiador pagkatapos ng laban niyang ito kay Coryano. Pumayag naman si Gordon. Nagkunwaring patay na siya nang matamaan ng malakas na sipa ni Coryano. Subalit talagang marahas ang gladiador na ito. Lahat ng kanyang kalaban ay hindi niya iniiwan nang buhay. Kumpara kay Gordon, maawain at hindi niya tinutuluyang patayin ang kanyang mga nakalaban maliban na lamang kung aksidente at talagang hindi maiiwasan.

Nakiusap si Subic na suko na siya at hindi na siya lalaban ngunit hindi siya pinakinggan ni Coryano at umakma pa itong pisakin ang ulo ni Subic. Si Subic ay nagpumiglas at agad niyang binali ang kanang kamay ni Coryano. Hindi ito ininda ni Coryano at lalo lamang siya nagwala. Pinagbubunot niya ang mga haligi ng arena at ipinagbabalibag niya kay Subic. Napahandusay si Subic sa sunud-sunod at malalakas na hambalos ni Coryano na animo'y bali-bali na ang kanyang mga buto. Subalit ang nakapagtataka ay buhay pa rin si Subic at nagpatuloy sa pakikipaglaban. Di magkamayaw ang sigawan ng mga manonood at namumusta. At sa wakas, pinakawalan ni Coryano ang pamatay at panghuli niyang hambalos. Subalit bago pa tamaan si Subic ay mabilis niyang dinukot ang lalamunan ni Coryano sabay ilag. Ang malaking haligi ay tumilapon sa mga manonood at mamumusta at marami ang nasaktan at namatay.

Si Coryano ay buhay pa rin. Nagpatuloy sa pakikipaglaban kahit laslas na ang kanyang lalamunan. Isinunod na winakwak ni Subic ang kanyang tiyan at sumambulat ang kanyang bituka at isaw subalit ang kanyang lakas ay hindi nagbabago at patuloy pa rin na lumalaban. Laging tumitilapon si Subic kapag natatamaan siya ng malalakas na sipa ni Coryano. Kaya bilang panghuling atake ni Subic, dinukot nito ang puso ni Coryano. Bumagsak si Coryano at tuluyan na siyang namatay. Dahil dito, binago ng tagahatol ang kanyang desisyon at idineklarang si Gordon ang panalo laban kay Coryano.

Hindi makapaniwala, si haring Hanjin sa nangyari. Halos hindi niya matanggap ang naging desisyon ng tagahatol sapagkat halos lahat ng kanyang salapi ay ipinusta sa labang ito. Nang dahil dito, nagalit ang hari at iniutos na ialay si Gordon sa kanilang diyos.

Malawak ang kaharian ni haring Hanjin. Sa gitna nito ay may isang bundok na nababalutan ng damong bermuda. Sa pinakatuktok ng bundok ay may natatanging matayog na punong Agoho na pinamamahayan ng mag-asawang dragon. Sa silong ng Agoho ay may isang matandang leon na nakakulong sa isang kulungang bakal na nakapaikot sa puno ng Agoho. Para sa kanila, sagrado ang bundok na ito. Ito ang kanilang sanktwaryo. Kada taon kung mag-alay sila ng tatlong buhay ng tao. Isa para sa leon at dalawa para sa mag-asawang dragon.

Dahil dito, iminungkahi ni haring Zambales kay haring Hanjin na si Subic na lamang ang mag-isang ialay para sa leon at mag-asawang dragon. Upang habang isinasagawa ang pag-aalay ay maaari silang magpustahan. Si Gordon laban sa matandang leon at mag-asawang dragon.Upang makabawi sa marami niyang naipatalong salapi ay pumayag si haring Hanjin.

Ipinasok si Gordon sa kulungan ng matandang leon. Sila ay naglaban at napatay niya ang leon. Hindi makapaniwala si haring Hanjin at lalo siyang nagalit kay Gordon.

Sugatan si Gordon sa loob ng kulungan sapagkat nahagip ng pangil ng leon ang kanyang tiyan. Hindi niya malaman kung paano siya makawala sa kulungan. Napasigaw siya sa sobrang galit. Nilaplap niya ang balat ng puno ng Agoho na nasa gitna ng kulungan sa pamamagitan ng kanyang kamay. Pagkatapos, kinuha ang mga pangil at mga buto ng matandang leon at ipinansibak sa puno. Kalahati lamang ang kanyang natapyas ay durug-durog na ang mga pangil at mga buto. Hindi pa ito sapat upang tuluyang matumba. Kaya nagtipon siya ng mga tuyong dahon at maliliit na tuyong sanga. Gumawa siya ng apoy sa pamamagitan ng pagkiskis ng tuyong sanga. Sinunog niya ang puno. Dinagdagan niya ng taba ng leon bilang gatong upang mapabilis ang paglamon ng apoy sa puno. Natumba ang punong Agoho. At sa pagtumba nito nabuwal ang kulungan subalit hindi ito nawasak. Mula sa dulo ng bumagsak na punong Agoho, gumapang ang mag-asawang dragon patungo sa kinaroroonan ni Gordon. Pumasok ang lalaking dragon sa kulungan at pumulupot kay Subic. Nakipagpambuno si Gordon at ikinuskos ang ulo ng dragon sa magaspang na puno. Napudpod ang ulo ng dragon at namatay. Nagalit ang asawa ng dragon at binugaan si Gordon ng Apoy. Umilag si Gordon at tumama ang apoy sa kulungan. Natunaw ang ilang bahagi ng kulungan sa sobrang init ng apoy. Ang dragon ay patuloy na nagbubuga ng apoy. Tumatama ito sa tuod ng punong Agoho kung saan nakakubli si Subic. Nasunog ang maliit na bahaging pumipigil sa tuluyang paghiwalay ng punong Agoho at tuod. Dahil dito, tuluyan nang humiwalay ang puno sa kanyang tuod. Gumulong at dumausdos ito pababa. Ang dragon ay mahigpit na pumulupot sa naputol na punong Agoho. Nagpatuloy na gumulong at dumausdos pababa nang pabilis nang pabilis at sumalpok ito sa palasyo ni haring Hanjin. Maraming lakan ang nangamatay. Ang babaeng dragon ay namatay din dahil napipi ito. Bago malagutan ng hininga ay nagbuga pa ito ng malaking apoy. Natupok ang kwartel ng kaharian at marami ring mandirigma ang nangamatay. Si Gordon ay lumabas sa butas ng kulungan at agad na nilisan ang kaharian ni Hanjin.

Pagkatapos nito, hinanap ni Gordon ang kuta ng mga pirata at binawi niya si ministro Asinan.

Samantala, ang mga naiwang baka nina Subic at ministro Asinan ay mabilis na nauubos. Sapagkat maliban sa kinakain sila ng mga mababangis na hayop kada buwan ay sinalanta pa ito ng peste. Tanging si Subic lamang ang nakakaalam sa gamot laban sa peste ng baka. Kaya nais ng hari na makabalik na sa kaharian si ministro Asinan. Dahil kung tuluyan nang maubos ang mga baka, tiyak na mga tao sa kaharian ang kakainin ng mga mababangis na hayop.

Sumapit na naman ang kabilugan ng buwan. Nangamba ang lahat sa pagdating ng malaking bilang ng mga mababangis na hayop. Subalit bago pa sila makapaminsala sa kaunting bilang ng mga nalalabing baka, naroon na sina Gordon at ministro Asinan upang itaboy ang mga mababangis na hayop.

Nagulat ang hari nang makita niya si ministro Asinan at ang lalaking nakamaskara. Labis ang kanyang tuwa dahil nakabalik na sa kaharian si ministro Asinan na kasama pa niya si Gordon, ang dakilang gladiador na matagal na niyang gustong bilhin kay haring Hanjin. Tiyak na muling dadami ang mga baka sa pagdating ng dalawa.

Ginamot ni Gordon ang peste ng baka sa pamamagitan ng pagsalin ng dugo ng mga nakaligtas sa peste sa iba pang mga natitirang baka.

Kinagabihan ay nagkaroon ng malaking pagdiriwang para sa dalawa. Itinaas ang puwesto ni Asinan bilang pangalawa sa punong ministro na labis namang ikinainggit ng kapuwa niyang ministro. Nagkaroon ng sayawan sa pagdiriwang ito. Dahil sa pananabik ni Gordon kay prinsesa Rita ay makailang ulit siyang isinayaw na labis namang ikinaselos ni kapitan Mercano.

Maraming prinsesa ang nahumaling sa makisig at matipunong katawan ni Gordon. Isa na rito ang napakagandang prinsesa na si prinsesa Amelia na anak ni haring Bajac. Si Amelia ay pinakamatalik na kaibigan ni prinsesa Rita. Siya ay imbitado rin sa pagdiriwang ito. Makailang ulit din niyang nakasayaw si Gordon. Subalit alam ni Gordon na mas matimbang ang puso niya para kay prinsesa Rita.

Malaki ang duda ni kapitan Mercano sa pagkatao ng lalaking nakamaskara. Nang matapos ang pagdiriwang ay lihim niyang sinundan ang lalaki sa kanyang kubo malapit sa bakahan. Nang maghubad ng maskara ay nagulat si Mercano dahil ang taong nasa likod ng maskara ay si Subic. Humilata si Subic. Dahil sa sobrang pagod ng katawan ay agad siyang nakatulog.

Ninakaw ni kapitan Mercano ang maskara at isinuot ito. Pagkatapos ay pumunta siya sa kinaroroonan ni prinsesa Rita na noon ay nakaupo sa balkonahe ng palasyo. Sinenyasan niya itong bumaba upang pumunta sa hardin. Tumalima naman ang prinsesa. Tahimik ang paligid at madilim sa may hardin. Biglang niyakap ng nakamaskarang si Merkano si prinsesa Rita na para bang sabik na sabik ito. Hindi namang pumalag ang prinsesa. Subalit nang tangka niyang gahasain ang prinsesa itinulak niya ang lalaki at tumakbo pabalik sa palasyo.

Galit na galit ang prinsesa dahil ang inakala niyang maginoong si Gordon ay isa pa lang mapusok at salbaheng lalaki na tila hayok na hayok sa laman.

Dahil dito, si prinsesa Amelia ang pinagbalingan ni kapitan Mercano. Nagtagumpay siyang gahasain ang prinsesa na dito na natulog pagkatapos ng pagdiriwang.

Pagkatapos magahasa ni Mercano ang prinsesa ay maingat niyang ibinalik ang maskara ni Subic.

Hindi man lamang namalayan ni Subic ang pagnakaw at pagbalik sa kanyang maskara.

Kinaumagahan, masarap ang gising ni Subic. Bago siya lumabas sa kanyang kubo ay isinuot muna ang bakal na maskara. Pagkatapos pawalan ang mga baka ay tumungo sa hardin ng palasyo upang masilayan ang prinsesa. Subalit parang galit sa kanya ang prinsesa at iniiwasan itong makita na parang natatakot. Nagtaka si Subic kung bakit parang naging mailap at galit sa kanya ang prinsesa.

Nagulantang naman ang konsorte ni prinsesa Amelia nang bumulaga sa kanilang paningin ang nakakaawang sinapit ng prinsesa. Nang tanungin kung sino ang nanggahasa sa kanya ay sinabing si Gordon. Nagulantang ang lahat at iniutos na dakpin si Gordon sapagkat siya ang itinuturong salarin.

Natuliro si Gordon nang malaman ito. Tinakasan niya ang mga mandirigmang naghahanap sa kanya. Ngunit lihim siyang sinundan ng pangkat ni kapitan Merkano.

Galit na galit si haring Bajac nang malamang ginahasa ang kanyang anak. Dahil dito, sumugod ang mahigit limampung libo niyang mandirigma na pinamumunuan ni prinsipe Boton, ang kaisa-isang kapatid ni prinsesa Amelia.

Upang maiwasan ang pagdanak ng dugo, nagpabihag si haring Zambales kay haring Bajac at napagkayarian nila na pakakawalan siya kapag naisuko na si Gordon.

Nahuli ng pangkat ni Mercano si Gordon. Dahil dito, matinding takot ang naramdaman ni ministro Asinan. Alam niyang bibitayin siya ni haring Bajac kapag siya ay isusuko nila kapitan Mercano. Kaya ganoon na lamang ang pagmamakaawa ni ministro Asinan sa kapitan.

Hindi pumayag si kapitan Mercano sa pakiusap ng ministro dahil ito na ang pagkakataon niyang maiangat ang kanyang katungkulan. Pangarap niya kasing maging heneral. Isa pa, kapag isinuko niya si Subic ay pagtitiwalaan siya ng hari at hahangaan siya ng prinsesa. At mawawala na rin ang kaagaw niya sa puso ng prinsesa.

Muling nakiusap ang ministro at nangakong tutulungan siyang maging heneral at gagawa ng paraan upang makuha ang lubos na tiwala at paghanga ng hari at ng prinsesa. Pumayag naman si Mercano at sinunog niya ang magandang mukha ni Gordon upang kapag nagkita sila sa prinsesa ay pandirihan siya.

Naawa si ministro Asinan sa sinapit ni Subic. Ngunit mabuti na rin ito upang maitago ang kanyang pagkatao bilang Subic at Gordon. At si Subic ay tinawag na pangit na aliping Magsaysay.

Samantala, pinayuhan ni punong ministro Japon si kapitan Mercano na hindi nila dapat patayin sina Subic at ministro Asinan dahil malaki ang makukuha nilang pakinabang sa dalawa. Pinayuhan din niya na hanapin ang tunay na Gordon at iyon ang isusuko kay haring Bajac bilang kapalit sa kalayaan ni haring Zambales.

Laging kasabwat ni punong ministro Japon si kapitan Mercano sa mga maiitim nilang balakin. Tunay na mag-ama ang dalawa. Inililihim lamang nila ito upang madali nilang maagaw ang trono ni haring Zambales.

Samantala, napag-alaman nila kapitan Mercano na ang tunay na Gordon ay patagu-tago na lamang sa kaharian ni Hanjin. Dinukot nila ito at isinuko kay haring Bajac bilang kapalit sa kalayaan ni haring Zambales. Dahil dito, natuwa ang hari at itinaas ang ranggo ni kapitan Merkano bilang heneral ng limanlibong mandirigma. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang bilang parangal sa kanyang kabayanihan.

Samantala, nilitis ang tunay na Gordon. Sinabi niyang wala siyang kinalaman sa krimen. Ngunit ang opisyal na talaan na nakuha mula sa kaharian ng Hanjin ay nagpapakita na siya si Gordon. Inamin naman niya na siya ang tunay na Gordon subalit ang katotohanan ay may isang taong gumamit sa kanyang pangalan.

Dahil dito, ipinagpaliban ang pagbitay sa tunay na Gordon. Muling sumugod ang mga hukbo ni haring Bajac dahil ang Gordon na isinuko nila ay hindi ang tunay na salarin.

Nakiusap si haring Zambales na bigyan siya ng isang buwang palugit upang hanapin ang tunay na salarin. Naglaan din siya ng malaking pabuya para sa sino mang makapagturo o makahuli sa tunay na salarin. Dahil dito muling nahintakutan sina ministro Asinan at Subic. Baka ituro kasi sila ni heneral Merkano.

Lumipas ang isang buwan ay hindi nahanap ang tunay na salarin. At dala marahil ng labis na kalungkutan at kahihiyan, si prinsesa Amelia ay nagpatiwakal.

Galit at hinagpis ang naramdaman ni haring Bajac dahil sa pagkamatay ng kanyang nag-iisang prinsesa. Pagkatapos mailibing ay muli silang sumugod sa kaharian ni Zambales upang hingin ang katarungan hinggil sa pagkamatay ng kanyang anak. Hinarap sila ni haring Zambales at abot-langit ang kanyang pakiusap at pagmamakaawa. Dahil dito, nakipagkasundo siya na ipakasal si prinsesa Rita kay prinsipe Boton upang matuldukan na ang namumuong alitan.

Hindi makapaniwala si heneral Mercano sa kasunduan ng dalawang hari. Hindi niya ito matanggap sapagkat alam niya na kapag nangyari ito, hindi lamang ang prinsesa ang mawawala sa kanya kundi pati ang trono ng hari.

Samantala, si Subic ay magkahalong takot at panghihinayang naman ang kanyang nararamdaman. Takot, sapagkat maari siyang ituro ni heneral Mercano na tunay na salarin upang hindi matuloy ang kasal, at panghihinayang sapagkat kapag natuloy ang kasal ay tuluyan nang mawala sa kanya si prinsesa Rita.

Dumating ang araw ng kasal nina prinsipe Boton at prinsesa Rita. Marami ang dumalo sa piging.

Inutusan ni heneral Mercano si Subic na dukutin si prinsipe Boton upang hindi matuloy ang kasal. Tumanggi si Subic dahil ayaw niyang madagdagan ang galit ng mga tao sa pinagbibintangang salarin na lalaking nakamaskara. Ngunit sa bandang huli ay kagustuhan pa rin ni heneral Mercano ang nanaig. Dahil kung hindi niya gagawin ito, tiyak na isusuplong siya na tunay na salarin. Isa pa, parang ayaw din niyang tuluyan nang mawala ang kanyang pinakamamahal na prinsesa.

Muling nagbalatkayo si Subic sa pamamagitan ng pagsusuot ng pulang maskara upang maitago ang kanyang katauhan bilang Magsaysay. Tumungo siya sa gubat na teritoryo ni mang Kepweng. Hiniram niya sa ermitanyo ang mga mababangis na hayop at ipinasalakay niya ang nagaganap na piging sa kaharian ni Bajac. Nagkagulo ang mga nagsipagdalo. Hindi magawang paulanan ng palaso ang mga mababangis na hayop dahil nakahalo ang mga ito sa mga tao. Kaya, nagtagumpay siyang dukutin si prinsipe Boton. Dinala niya ito sa kanyang kubo. Palihim namang pinatay ni heneral Mercano si prinsipe Boton upang masiguradong hindi na talaga matuloy ang kanilang kasal. Ipinatuklaw siya sa ahas. At nagtaka na lamang si Subic dahil hindi niya malaman kung ano ang ikinamatay ng kanyang bihag.

Samantala si haring Zambales at prinsesa Rita ay naiwang bihag sa kahariang Bajac. Sinabi ni haring Bajac na pakakawalan nila ang mag-ama kung maibabalik nila nang buhay si prinsipe Boton.

Ipinasuot kay Magsaysay ang damit pandigma ni heneral Mercano at inutusan siyang itakas ang mag-ama na bihag ni haring Bajac. Isinusi pa ang kalasag na bakal sa mukha ni Subic upang hindi ito matanggal habang isinasagawa ang pagligtas sa mag-ama. Tinagubilinan siyang kailangang mapaniwala niya na si heneral Mercano ang nagligtas sa mag-ama. Dahil kung hindi siya tatalima ay isusuplong siya sa tatlong haring nagawan niya ng mabibigat na kasalanan.

"Siguraduhin mong huwag na huwag kang papalpak sa mga gagawin mong hakbang kung ayaw mong tapusin ko ang buhay ni ministro Asinan."

Hindi natatakot si Subic sa mga pagbabanta ni heneral Mercano. Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit ganoon na lamang ang pagpupumilit ni ministro Asinan na kailangan niyang iligtas ang hari. Idinadahilan na lamang ni ministro Asinan na iligtas ang hari dahil kung mamatay si haring Zambales ay pansamantalang uupo sa trono si punong ministro Japon at kapag nangyari iyon ay lalong malalagay sa panganib ang kanilang buhay pati ang kaharian.

Itinakas nga ni Magsaysay ang mag-ama na ang alam nila ay si heneral Merkano ang gumawa nito.

Ang balak sana ni Magsaysay ay si prinsesa Rita lamang ang kanyang itatakas pagkatapos ay patayin na niya si heneral Mercano. Subalit mariin ang pakiusap ni ministro Asinan na kahit anong mangyari ay kailangan niyang iligtas ang hari. Hindi lang masabi ni ministro Asinan na, 'Dahil siya ang tunay mong ama'.

Hindi rin kasi maaring sabihin ito ni ministro Asinan sapagkat alam niyang magagalit sa kanya si Subic. At kapag nalaman ito ng hari ay tiyak na ipabibitay siya. Isa pa, kapag pinatay naman niya si Mercano ay lalo lamang ibubulgar ng kanyang tapat na tauhan ang tunay na pagkatao ni Subic.

Samantala, ganoon na lamang ang pasasalamat ng mag-ama sa pagkaligtas sa kanila ni heneral Mercano. Dahil dito, ginawa siyang heneral ng sampung libong mandirigma.

Samantala, galit na galit si haring Bajac nang malamang nakatakas ang mag-ama. Nang malaman din niyang patay na si prinsipe Boton ay halos sumabog siya sa sobrang galit. Dahil dito, nagdeklara ng madugong digmaan si haring Bajac laban kay haring Zambales dahil sa patuloy nilang pagkanlong sa salarin na nakamaskara.

Sumugod ang mahigit isandaang libong mandirigma ni haring Bajac.

Bilang pakikiramay sa sinapit ng dalawang anak ni haring Bajac ay nagpadala naman ng mahigit tatlumpung libong mandirigma si haring Tapinac. Mahigit dalawampung libo naman kay haring Ilalim. Sa loob ng sampung araw na pakikipaglaban ay mabilis nilang nakubkob ang kaharian ni Zambales. Sapagkat una nilang napatay ang punong heneral na si heneral Antonio. Ang hukbo naman ni heneral Mercano ay nagtago sa gitna ng labanan.

Muling ipinasuot kay Subic ang damit pandigma ni heneral Mercano. At sila ay lumusob sa kaharian ni Bajac. Kasama niya sa paglusob ang mga mababangis na hayop at ang mga pangkat ng mga pirata na pinamumunuan ni Balicbalic. Kasama rin niya si Tabacuhan na bihasa sa tabak. Si Iram na bihasa sa palakol. Si Tipo na bihasa sa dalawang arnis. Si Maliwakat na bihasa sa sibat. Si Libas, ang malakas. Si Binictican, ang magaling sumipa. Si Mabayuan, bihasa sa pana. Si Castillejos, bihasa sa latiko. Si Narciso, bihasa sa tirador. Si Balicbalic, bihasa sa bumerang at si ministro Asinan na gamit ang mabisang asido na nakasusunog ng kalaban. Kasama rin nila ang dating sampung bantog na gladiador na sina Iba, Botolan, Orion, Mariveles, Layac, Culis, Dinalupihan, Hermosa, Cabanggan at Marcelino na naging kakampi niya noon sa pangkatang labanan. At ang katulong nilang puwersa na nasa kanilang likuran ay ang duwag na mahigit sampung libong hukbo na pinamumunuan ni heneral Mercano.

Dahil dito,biglang iniwan nila haring Bajac ang nakubkob nilang kaharian upang ipagtanggol ang sarili nilang kaharian. Subalit dinala ang mag-ama bilang bihag. Samantala, binuksan nila Subic ang mga dike at mga dam at iniba nila ang direksiyon ng mga ilog at ipinatama lahat ng mga ito sa kaharian ni haring Bajac. Rumagasa ang mga tubig at lumikha ito ng napakalaking baha at tinawag na Bajac-bajac na ang ibig sabihin ay nilamon ng baha ang kaharian ni Bajac. Patuloy ang paglusob ng pangkat ni Subic na gamit ang bangkang pandigma na kung tawagin ay Sibit-sibit.

Dahil sa malaking baha, madali nilang nalupig ang kalaban sapagkat hindi sanay sa tubig o dagat ang mga mandirigma ni haring Bajac kumpara sa mga piratang dagat.

Nang mawasak nila ang kaharian ni Bajac, biglang sumugod ang malaking bilang ng hukbo na nagmula sa kaharian nina Tapinac at Ilalim upang saklolohan ang kaharian ni Bajac. Sila Subic ay pagod na pagod na sa katatapos lamang na labanan. Ang tanging pag-asa na lamang nila ay ang pagsaklolo ng pangkat ni heneral Mercano. Subalit paano sila aasa sa mga duwag na hukbo, na sa gitna ng labanan, sila ay nagtatago sa likuran ng pangkat ni Subic.

Subalit habang patuloy ang pagragasa ng tubig mula sa mga dam, dike at ilog ay hindi sila nawalan ng pag-asa. Lalung-lalo na nang makita nila ang mataas na pader na naghihiwalay sa kaharian ng Bajac at Tapinac. Tinawag nilang pag-asa ang lugar na ito na kinatitirikan ng mataas na pader. Ang pader ay kanilang giniba gamit ang asido ni ministro Asinan. Nang maitumba nila, biglang umagos ang napakaraming tubig sa parating na kalaban. Sumalpok ito sa kanila. Marami ang nalunod.

Dahil lumambot ang lupa sa kaharian ni Bajac, hindi lamang tubig ang sumalubong sa kalaban kundi kasama pa ang mga burak. Nagpatuloy umagos ang mga tubig at mga burak sa kaharian ni Tapinac at nag-iwan ito ng malalim na putik na kung tawagin ay Pitac. Ang mga burak ay nagpatuloy sa pag-agos hanggang sa umabot sa kaharian ng Ilalim. At dito, ang burak ay umabot hanggang labing anim na talampakan ang lalim. At ganoon nga ang nangyari na ang kaharian ni Tapinac ay napuno ng Pitac (putik) at ang kaharian ni Ilalim ay nabaon sa ilalim. At sa loob ng dalawang buwan pakikipaglaban ay nawasak din nila ang tatlong kaharian maliban na lamang sa kaharian ni Morong na nagsimula na ring lumusob. Subalit nang malaman nila na wasak na ang tatlong kaharian, ang mga hukbo ni Morong ay umurong.

Samantala, kinuha ni heneral Mercano ang kanyang damit pandigma na ipinasuot kay Subic at isinuot niya ito. Pagkatapos ay iniligtas niya ang mag-ama na nakakulong sa mataas na bahagi ng palasyo ni haring Bajac.

Maraming namatay sa labanan at ang natirang buhay ay ipinabilanggo ni haring Zambales. Ang mga kababaihan ay ginawang alipin.

Mula noon, naging masaya uli at lumawak ang kaharian ni Zambales at ang alam ng mga tao na nagligtas sa mag-amang hari at prinsesa ay si henaral Mercano. Siya rin ang alam nilang namuno upang wasakin ang tatlong kaharian. Kaya ganoon na lamang ang paghanga at pagtiwala sa kanya ng hari. Dahil dito, ginawa siyang punong heneral ng kaharian.





1

| Email this story Email this Novel | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.