Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



A novel in Filipino by Lorenzo A. Fernandez Jr., my real name. View table of contents...


Chapters:

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18

Submitted:Apr 5, 2011    Reads: 177    Comments: 0    Likes: 1   


IBANG KLASE

Ni

LORENZO A. FERNANDEZ JR.

Umuugong mula sa itaas ng grandstand ang halos magkakasabay na padyakan, palakpakan, at hiyawan ng mga manonood sa magilas na paglalaro ni Justo Romero, isang local na player ng Cabanatuan, laban sa isang imbitadong team ng PBA. Five-ten lang ang taas pero nalulusutan niya ang mga higanteng kalaban. Kung minsan, kahit dalawa pa ang gumuguwardiya, buo ang kanyang loob, iniikutan at nilalagpasan niya ang mga ito ay saka mabilis na sisibat para makapag-shoot nang libre. Mahusay din sa rebound at assist pero kadalasan hindi naman nakaka-shoot ang ang mga pinapasahan niya ng bola.

Nang tumagal-tagal naging one-man na ang laro ni Justo. Pero ito ang hinihingi ng sitwasyon para mapantayan o maungusan sa puntos ang kalabang team. May naririnig na akong mga pahaging. Habang papasok na naman sa basket ang isang three-point shot niya, may narinig akong sumigaw ng malakas na "Buwaya!" May mga tumawa at may mga pumalakpak pero karamihan ay mga babae. Nasa ibaba ako ng grandstand ng New City College at kita ko ang lahat.

Naisip ko, paano mong aasahan ang iyong ka-team kung puro bulok ang mga kamay? Ano ang lohika ng sumablay na tira na di dapat nangyari kung napunta sa maaasahang kamay? Bakit ka sasampalataya sa teamwork kung puwede naman ang one-man?

Ito rin ang nasa isip ni Justo, palagay ko, base sa kanyang ipinapakita. Pero nang muli niyang marinig ang sigaw na "buwaya" ay tumamlay, bumagal ang kilos niya. Pasa dito, assist doon na lang ang ginawa niya na tulad nang inaasahan ay wala ring nangyari. Umaabante na sa puntos ang kalaban.

Limang minuto na lang ang natitira, ayon sa relos sa itaas ng scoreboard. Wala nang sumisigaw ng "buwaya." Paano'y napagbiyan din. Ano naman kaya ang iniisip nila ngayon. Ah, wala na akong pakialam, boring nang pakialaman iyan. Wala na akong ganang manood, dalawampung puntos na ang lamang. Mahirap nang habulin kahit mag-one-man uli si Justo. Pero baka makarinig na naman siya ng "buwaya." Hayaan mo na ang mga buwayang iyan, Justo!

Kung maaari nga lang ay huwag na niyang mahawakan ang bola (sa ipinapakita niya) dahil ipapasa niya agad ito, o kaya'y palitan na siya, kaysa mambalibag siya ng bola. Humingi ng time-out ang coach. Sa pagbabalik ng laro, hindi ko na nakita si Justo.

Napapangiti ako. Lahat sa ngalan ng teamwork, kahit matalo. Hindi ko na matandaan ang pangalan ng basketball player na gumawa ng mahigit isandaang puntos dahil bulok din ang mga kamay ng mga kasama niya. Alam ko, Pinoy iyon.

Isang nanonod na foreigner and tumalikod at lumakad patungo sa aking kinaroroonan. Bakas sa kanyang mukhang sunog sa araw ang pagkadismaya. Napatapat siya sa akin.

"Hey, my boy, what's the meaning of buwaya?"

"Crocodile."

"But I see no crocodile here!"

"Oh, man, it's only a metaphor," paliwanag ko.

"I see. Hey, that boy Justo is good. He can be a fine NBA player. He should have ignored those damned hecklers!" Napalakas ang boses niya. .

"Maybe he's a very sensitive guy. Be careful, man-they might hear you." Mapapasabak pa yata ako sa Ingles nang walang preparasyon. Bahala na.

"I don't give a damn! I hate the hecklers. They're the real buwaya!"

"Yeah, man!" 'kako para tumigil na siya. Parang Amerikanong hilaw na rin ako sa pag-i-ingles.

"That boy is really good. He can make the difference."

"One can make the difference."

"Well, yeah, right, bright boy. When I go back to the States, I have so much to tell. Hmm, it's not an empty day at all." Tinapik niya ako sa balikat, saka tumalikod at tinungo ang gate sa likuran ng NC College.

Gusto ko na ring lumabas pero bawal sa aming mga estudyante hangga't hindi natatapos ang exhibition game. Napasampay ang aking kamay sa mahabang beam ng grandstand. Dalawang minuto lang ang lumipas at tatlumpo na ang abante ng PBA team. Iniba ko ang posisyon ng aking kamay nang mangawit at ito'y kumapit sa bandang intersection ng dalawang beam at poste ng grandstand.

May nasalat ako. Napatingin ako sa itaas at sa sulok ng intersection ay nakasuksok ang isang itim na backpack. Sa hindi malamang dahilan, hinawakan ko ito at ibinaba. May kabigatan. Luminga-linga ako sa kaliwa at kanan, sinisiguro ko kung lilitaw ang may-ari. Ang sinumang makakita sa akin sa hawak kong binubutingting ay aakalaing ako'y magnanakaw. Para akong sinisilihan ng siling labuyo, pero sisiw lang iyan sa tunay na magnanakaw, laking tuwa pa niya!

Abala pa rin sa panonood ang mga guro't estudyante, maliban sa ilang outsiders na nangagsisiuwian na. Isinabit ko ang backpack sa aking balikat. Naalala ko ang kasabihang "Finders keepers." Pero kung lilitaw ang may-ari ay isasauli ko ito. Mabigat din sa konsiyensya na angkinin ito kahit napulot ko lang at hindi ninakaw. Makintab pa at parang bagong bili, pero sadyang mabigat ang laman. Ano kayang epektos ito?

Ang mga estudyante'y pinayagan na ring lumabas nang matatapos na ang laro. Humakbang akong palayo at tumungo sa gate palabas ng grandstand. May ilang nakasabay akong kaklase pero hindi nila pinansin ang biglang pagkakaroon ko ng backpack, maliban kay Pugay na napapangiti-ewan ko kung ano ang ibig niyang sabihin. Ito ang kaklase kong hustler na magnanakaw ng bolpen.

Sa labas ng gate, naghintay ako ng masasakyang traysikel. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Pag tama ang hula ko . . .ah, ano ang gagawin ko?

Wala pang traysikel. Kahit magbayad ako ngayon nang triple, basta makauwi lang agad. Dalawang kilometro ang layo ng aming four-door apartment sa NC College.

Inumpisahan ko nang maglakad. Kahit isang oras pa akong maglakad. Tutal wala nang klase sa buong araw kapag may ganoong exhibition game. Dumaan ang isang traysikel, pero may sakay ito, sinundan ng dalawa, tatlo, pero may sakay lahat. Kung alam lang nila ang halaga ng ibabayad ko . . . galante ako ngayon dahil sa bigat ng dinadala ko.

Malapit nang mag-alas dose ng tanghali sa aking relos. Mahapdi ang aking likod sa tindi ng sikat ng araw, lalo pang humahapdi sa pag-untug-untog ng misteryosong bagay sa loob ng backpack. Nakaramdam ng pagkahapo, tumapat ako sa isang tindahan at bumili ng softdrink. Nanumbalik ang aking lakas nang makainom. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Muling umuntug-untog sa likod ko ang laman ng backpack. Bumalik ang hapdi. Sana beer na lang ang ininom ko. Noong nakaraang buwan-unang tikim ko-kalahating bote lang ang naubos ko. Ilan kaya ngayon?

Magkano na kaya ang isang gramo? Limang daan, anim . . .isang libo? Dumukot ako sa aking bulsa sa likod pero wala akong masalat na bolpen. Walanghiya, dinukot na naman ni Pugay! Naisahan na naman ako ng walanghiyang magnanakaw. Bakit ba ako palaging paborito ng hayop na iyon? Mukhang kalabaw na magnanakaw-kanina, isa siya sa mga nakasabay ko sa paglabas ng gate, pangisi-ngisi pa, ngising aso.

Hindi ko tuloy makuwenta kung ilang milyon na ito . . .bukas kakasahan ko na siya.

Bumilis ang lakad ko, hindi na iniinda ang hapdi sa likod, hanggang sa makarating sa aming apartment. Pumasok ako sa pang-apat na pinto, ang tinitirhan namin ni Ate Mina, kasama ang dalawang umuupa ng isang kuwarto sa itaas.

"Bago yata ang bag mo?" bungad sa akin ni Ate Mina.

"Galing sa natipid kong allowance," sabi ko. Instant na sinungaling ako. Bad omen yata ang backpack na ito.

"Natapos mo ba ang laro?" Naghahanda siya ng mga gamit sa graduate school. Ilang minuto lang at papasok na siya.

"Hindi. Wala na akong ganang manood."

Pumasok ako sa aking kuwarto, malalalim ang aking paghinga sa tindi ng pagod-at pananabik. Magpapahinga muna ako. Mamaya pagpasok ni Ate, saka ko bubuksan ang backpack. Bago iyan, iinom muna ako ng beer, siyempre. Naiisip ko ang isang bagong buhay na ma-e-enjoy ko nang husto.

Hindi ba ako dating nag-e-enjoy? Hindi. Unang-una'y walang kuwenta ang pinapasukan kong high school ng NC College.. Pumaparte sa aking allowance ang mga titser sa madalas na kontribusyon na sapilitan. Pambili raw ng floor wax na kasing-liit ng lata ng gatas ebaporada, walis tambo na palaging nawawala, mga kurtina na hindi mo makita, kaya halos linggo-linggo ay nakakaltasan ako ng bente. Maliwanag na isanlibo sa isang linggo dahil limampu kami sa klase. Ang kakapal ng mga mukha, pero sila raw ang mga pangalawang magulang-ang gugulang.

Kahit kaeskuwela'y ganoon din, pumaparte si Pugay sa aking hindi mabilang na bolpeng kanyang ninakaw. Si Labino, Labi for short, ang kaeskuwelang kasing-kapal ng jumbo hotdog ang mga labi, ay sumisingit din sa pagnanakaw ng libro. Dalawang libro ang nadukot niya sa akin, akala mo mahilig siya sa libro pero ipinagbibili lang pala niya sa iba para magkapera. At ang dalawang pinakagagong bully, si Imoy na mukhang asong may rabies at si Gido na mukhang kabayo, laging nakalitaw ang mga maiitim na gilagid. Nabibilang na ang mga araw niyo, mga magnanakaw, mga gago, naisip ko. Marami pang ibang dahilan, hindi lang sa loob ng eskuwelahan kundi sa labas, pero ituloy natin ang istorya.

Kailangang makabawi sa lahat ng pagkukulang, ipapakita ko sa mundo ang ningning ng isang tunay na ginto! Ginto? Tinapunan ko ng seryosong tingin ang itim na backpack na nakalapag sa kama.

Hindi nakatiis, binuksan ko ang zipper nito at tumambad sa akin ang isang kanister na yari sa matigas na plastik. Kasinglaki ng lalagyan ng potato chips. Itinayo ko ito. Ah, maliit pero mabigat! Pahablot na tinanggal ko ang taklob nito. Isang makinang na bara ng ginto! Kinusut-kusot ko ang aking mata, hindi nagbabago ang aking paningin, kulay-ginto pa rin. Sa tantiya ko, lagpas sa anim na pulgada ang haba, may lapad na mga tatlong pulgada at may kapal na isa't kalahating pulgada.

Lumabas ako ng kuwarto . Naalala ko ang beer. Mabuti pa'y uminom muna ako. Naaalala ko pa iyong unang tikim ko ng beer, kahit kalahating bote lang. Para akong nasa langit noong una at impyerno sa bandang huli dahil pasuka-suka na ako. Pero parang abnormal ngayon ang isip ko, kaya kailangan ng pampakalma.

Hindi nakatiis, lumabas ako at bumili ng tatlong bote sa tindahan na katapat ng apartment.

"May problema ka ba?" tanong ni Cindy, anak ng may-ari ng sari-sari store. Tulad ko, fourth year din siya sa high school department ng NC College pero nasa ibang section.

"Wala. Malakas kasi ang pintig ng puso ko." Napapasulyap ako sa kanyang mga hita, na naka-shorts ng putol na pantalong khaki.

"Dati hindi naman gano'n ang puso mo, parang walang pintig."

"Oo nga. Ngayon lang.," sabi ko. "Nadagdagan pa ng fetish na makinis," dagdag ko, pabulong.

"Ano'ng sabi mo?"

"Wala iyon." Ang hita mo ang ibig kong sabihin at iyong isang makinang.

"Anong wala? Sabihin mo, baka makatulong ako. Ngayon ka lang maglalasing."

"Gusto mong malaman?"

"Sige." Ngumiti siya na medyo nakasahod ang labi.

"Sumama ka sa akin."

"Ano? Ba't sasama ako sa 'yo? Hindi mo pa ako girlfriend."

"E di, girlfriend na kita."

"Ha? Ang bilis naman. Totoo ba 'yan?"

"Totoo. Ikaw ang true love ko, matagal na kitang ini-imagine. Puwede ka nang sumama?"

"Hindi pa puwede. Ano'ng sasabihin ng ibang tao?"

"Ah, wala iyan. Ano ba'ng pakialam nila? Wala naman silang nalalaman."

"Sige na nga," sabi ni Cindy at tumalikod siya at pumasok sa isang silid at sinabihan ang nakakabatang kapatid na lalaki na magbantay sa tindahan at saka bumalik sa akin. "Tayo na. They know nothing," sabi niya na nakatawa.





1

| Email this story Email this Novel | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.