Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



A novel in Filipino by Lorenzo A. Fernandez Jr., my real name. View table of contents...


Chapters:

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18

Submitted:Jul 14, 2011    Reads: 21    Comments: 1    Likes: 1   


Miyerkules ng umaga, pagkatapos kumain, nagbihis ako ng damit panlakad, isang brown na denim at striped green na T-shirt. Isinuot ko ang aking Adidas, pero mahigpit na. Pinalitan ko ng Nike, medyo mahigpit din.
Mag-sandals na lang, mabuti pa. Kailangang makabili ng bagong sapatos, mga size 42, fit na siguro 'yon. Kahit anong brand. Subukan ko kaya 'yong Puma? Pumapatay rin ba ang puma gaya ng tigre? Lumabas ako na tumatawa.
Nilakad ko ang daang Quimson at pagdating sa dulo nito, lumipat ako sa kabilang panig, kumanan at nagpatuloy sa paglalakad, pasalubong sa trapiko. Nadaanan ko ang provincial capitol at DBP. Huminto ako sa harap ng isang sidewalk vendor at bumili ng kendi.
"Sigarilyo?"
Umiling ako. "Kendi lang."
"Mabuti ka pa, walang bisyo."
"Meron."
"Anong bisyo?"
"Lumiban sa klase."
"Ganyan ako noon. Kaya ganito ako ngayon."
Nagdrama pa. "Mahirap bang pigilin ang bisyo?"
"Mahirap pero puwedeng tanggalin, kung hindi pa huli ang lahat."
"O, sige, salamat," sabi ko.
"Salamat din."
Nice fellow. Hindi kagaya ng mga walanghiya kong kaklase. Kung kahit isa man lang sa kanila ang magkaroon ng ugali kagaya ng vendor na iyon, isang kayamanan nang maituturing. Pero wala, kung hindi tanga na may ambisyon ding mambulataw ay gago't mandurugas. Pero ang gago'y tanga na rin dahil tatanga-tanga naman sa loob ng klase at sa labas lang nagmamagaling. Pwe! Maha-high blood na naman ako. Hindi dapat masira ang araw ko. . . .
Pumakanan ako hanggang sa matanaw ko ang Mighty Mall, isang bagong patayong mall. Doon na lang ako bibili ng rubber shoes. Bibili rin ako ng pocketbooks. Sino ba'ng magaling? Stephen King? John Fowles? Hemingway o si J.D. Salinger? Kahit sino, kahit classic man o bago, basta hindi ko pa nababasa.
Nang sapitin ko ang mall ay hindi pa bukas.
"Pare, anong oras ang bukas?" tanong ko sa guwardiya.
"Alas-diyes. Malapit na."
Maraming tao na ang naghihintay, karamihan ay mga kabataan na gustong magpalamig-lamig sa loob at tumingin-tingin sa mga naka-display na bilihin, halatang nagpapalipas lang ng oras, gumigimik.
Nang buksan ang main door, bumili agad ako ng rubber shoes sa unang stall na nakita ko at nagtuloy sa bookstore. Inilagak ko muna sa customers' service ang aking sapatos.
Bumili ako ng tig-isang libro ni Stephen King at John Fowles. Sa section ng classic, hindi ko mahanap si Hemingway at Salinger. Pero aksidenteng nasapol ng aking mata si James Joyce, ang nobelistang nag-uso ng "stream-of-consciousness" na teknik sa pagsusulat, at si Anton Chekhov, ang manunulat na hindi naniniwala sa plot. Tumatalon ang puso ko. Mabuti't nasuspindi ako. Kahit pansamantala ay nakalaya ako sa nakakabagot at bulok na atmospera sa haiskul, kung saan walang matino o intelihenteng kausap. Magbabasa na lang ako. Kahit second-rate pa na manunulat ay mas magaling pa ring kausap kaysa sa pangkaraniwang tao na walang imahinasyon-kung meron man ay mababaw, kaya pati kaligayahan, mababaw rin. Bakit ako magtitiyagang pakinggan ang mga ordinaryong kaisipan na ang tanging bokabularyo ay pakikisama, kaibigan (na para bang palaging tunay at hindi ahas), habang tumatagay ng bulok na alak at naninira't nanlalait ng mga taong walang pakisama?
Kinuha ko ang rubber shoes sa customers' service bago lumabas ng mall. Nag-init agad ang aking pakiramdam. Iba talaga sa loob, iba rin sa labas. Tumawag agad ako ng traysikel, na agad naman akong hinintuan.





1

| Email this story Email this Novel | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.