Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



A novel in Filipino by Lorenzo A. Fernandez Jr., my real name. View table of contents...


Chapters:

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18

Submitted:Jul 25, 2011    Reads: 14    Comments: 0    Likes: 1   


Parang mundo ng pantasya kung ikaw ay nasa magandang lugar gaya ng mall. Ngayong nakasakay na ako sa traysikel at nagkatawaran-palagi namang ganito-bumabalik ang boring na eksena. Ipinikit ko sumandali ang aking mga mata at pinilit kong huwag huminga nang malalim. Baka mapuno ng deadly na usok ang baga ko. Allergic ako sa usok, hindi ako makahinga kung sobra na ang nalalanghap ko. Mahirap ipagbawal ang mauusok na tryasikel, sayang din ang kanilang boto-dito umiinog ang lahat ng mga walang kuwentang katwiran na may kinalaman sa pulitika at ginagatungan ng mga sipsip na nakapalibot. Pero paano ang baga ko, sige, sagutin mo nga 'yan, pare?

Nandiyan na 'yan e. Paglipas ng isang daang taon, baka sakali. Buhay pa kaya ako no'n? Walang kuwentang mag-isip.

Mabuti pa sa baryo. Pero nandito ang four-door-apartment na naipundar ng aking mga magulang. Mas gusto nilang manirahan sa baryo at kaming dalawa ni Ate ang nagma-manage ng apartment. Malabong sumunod ako sa baryo at sabihin sa kanila na ayoko nang mag-aral dahil puro pasok lang na walang kapararakan ang ginagawa ko, wala naman akong pinag-aaralan dahil wala namang itinuturo na makabuluhan, na magsasaka na lang ako kung mapapalayas ang kapit-tukong magsasakang si Igmeng Taimondong, na ang palaging panakot ay ang mga best friends daw niya na taga-bundok. Dalawang ektarya ang nabili nila na iba naman ang nakikinabang, timawang buhay! Wala rin palang kuwenta kung wala akong bubungkalin doon. Hindi bale, sariwa naman ang hangin. Pero aanhin ko iyon kung wala namang kita? Mabubusog ka ba sa puro hangin?

Ah, dito pa rin ako. Sabagay, habang parumi nang parumi ang hangin, parami naman nang parami ang mga babaeng magaganda ang hita, oh, nahihilo na ako.

Kung tapos na ako sa haiskul, saka pa lang ako magpapasiya kung sa baryo ako o sa lunsod. Brainstorming lang ito. Wala pa akong pirming desisyon.

"Saan ba rito?" tanong ng traysikel drayber nang nasa kalagitnaan na kami ng Quimson.

"Diyan." Itinuro ko ang isang apartment na light green at may tegula tiles na maroon sa harap.

Huminto ang traysikel sa tapat nito. Ibinigay ko ang baryang bente pesos at saka bumaba. Iiling-iling, bubulung-bulong ang drayber at saka inilagay niyang pabalibag sa isang kahon ang barya bago niya pinaharurot ang kanyang traysikel. Napakabastos. Hindi siya kontento sa ibinayad ko kahit tapos na ang usapan. Ano ba ito? Exchanging horses in the middle of the stream-iyon ang ginawa niya. Hindi ko maintindihan.

Mas naiintindihan ko ang mga ito, ang mga librong bitbit ko. Kahit kathang-isip ay higit na makatuwiran at kapani-paniwala. Mas maaasahan ang mga nakaimprentang salita kaysa usapan ng isang ungas na drayber at pasaherong walang alam sa mundo.

Nakabukas ang pang-apat na pinto, nakita kong nakaupo sa mahabang upuan si Ate, may inaayos na mga papeles.

"May seminar kami sa Baguio. Ikaw muna ang bahala rito."

"Ilang araw?"

"Tatlo. Matatapos sa Sabado. Uuwi ako sa Linggo."

"Ngayon ka na ba pupunta?"

"Mamayang ala-una, ihatid mo ako sa terminal."

"Kakain muna tayo."

"Siyempre, magluto ka na. Marami akong aayusin."

Pumasok ako sa aking silid at itinabi sa isang sulok ang kahon ng Nike at mga librong nabili. Lumabas ako at tinguno ang ref. Binuksan ko ang freezer at naglabas ng isang bangus Bonuan na pipirituhin.

"Tungkol saan ba ang seminar mo?" tanong ko nang kumakain na kami.

"Sa special education."

"Magtuturo ka ba sa mga gifted?"

"Oo, pagkatapos ng seminar."

"Ang alam ko sa special education ay kasama ang mga autistic at retarded."

"Oo, pero mga gifted ang tuturuan ko."

"I see." Ginutom ako, hindi nakapagtatakang halos maubos ko ang piniritung bangus. Hindi nakakain nang marami si Ate dahil dumaan daw siya sa Jolibee at nagmeryenda.

"Saan kaya ako kung ako'y nasa klase ng special education?" pabirong tanong ko nang ako'y nagtu-toothbrush na.

"Ano ba'ng IQ mo?"

"145 lang."

Napamulagat siya. "Totoo ba 'yan?"

"Maniwala ka. Pero hindi ako naniniwala sa IQ."

"Palagay ko'y tama ka," sabi niya. "Si Thomas Edison ay pinagsabihang bobo ng kanyang mga bobong titser. Si Albert Einstein ay lumagpak sa math nang kumuha ng entrance test sa kolehiyo. Ayon naman sa titser ni Ludwig van Beethoven ay hindi ito magtatagumpay bilang kompositor. Kung mga ganitong klaseng gifted ang bibigyan ng standard na IQ test, maaaring bumagsak sila, dahil hindi lahat ng intelligence ay kayang sukatin nito. I'm talking about creativity."

"Hmm, creativity. Wala yata ako niyon. Dahil mataas ang IQ ko."

"Sa isang banda, ang pagiging creative o malikhain ay manipestasyon din ng isang napakataas na IQ."

"Kahit na pala hindi ka pumunta sa seminar na 'yan ay puwede ka nang magturo sa mga gifted," nasabi ko. "Genius ka rin, palagay ko."

"Tip of the iceberg lang 'yan. Magbihis ka na at ihatid mo ako sa terminal."





1

| Email this story Email this Novel | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.