Naghihintay pa ng mga pasahero ang bus na sinakyan ni Ate Mina. Umupo muna ako sa tabi niya. Mayamaya, tumapat sa amin ang isang nagtitinda ng kung anu-ano—sigarilyo, chewing gum, candy, atbp.
“Magkano ang suklay mo?” ‘kako, hawak ang isang brown na suklay.
“Nine-fifty.”
Dumukot ako ng sampung piso sa aking bulsa.
“Nineteen-fifty,” sabi niya na medyo nilakasan pa ang boses. Ginawa pa akong bingi.
“Hindi na.” Ibinalik ko ang suklay sa lalagyan niya.
“Sigarilyo, bosing?”
“Hindi na.”
Bubulung-bulong na bumaba ng bus ang tindero. Hagalpakan ng tawa ang mga kasama niya. Nagha-high-five pa sila.
“Puwede rin sila sa special education, di ba?” nasabi ko kay Ate.
“Huwag mo nang patulan ang mga ‘yan.”
Dumarami na ang mga pasahero, malapit nang mapuno ang bus. Tumindig ako.
“Uuwi na ako.”
“O sige, ikaw na muna ang bahala sa mga boarders.”
“Ako na’ng bahala sa kanila, okey lang sila.”
|
Email this Novel
|
Add to reading list





