Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



A novel in Filipino by Lorenzo A. Fernandez Jr., my real name. View table of contents...


Chapters:

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18

Submitted:Apr 6, 2011    Reads: 42    Comments: 0    Likes: 1   


Pagbalik namin sa apartment, pumasok na si Ate Mina sa graduate school. Elementary school teacher siya na kumukuha ng M.A. Tinungo namin ang aking kuwarto. Kinuha ko ang swiss knife sa isang drawer na katabi ng aking kama at nagbukas ng dalawang bote ng beer. Lumapit ako at inalok ko si Cindy na uminom.

"Huwag ka ngang apurado."

"Habang malamig ang beer, samantalahin natin."

"Pampainit nga iyan, e. Saka hindi ako umiinom."

"Lalong mabuti," sabi ko. Tinapik ko nang bahagya ang kanyang buttocks. Parang walang anuman ang pagtapik ko sa kanya, samantalang iba na ang iniisip ko. Tumingin lang siya sa akin at ngumiti. Hinawakan ko siya sa kanang braso at kami'y napaupo sa kama.

"Ano ba'ng gagawin natin?"

Hindi ako sumagot. Kinabig ko siya at hinalikan nang buong sidhi ang kanyang mapupulang labi. Gumanti siya ng halik at nagpagkit ang aming mga labi nang matagal. Parang mapupugto ang aking hininga sa labis na ligaya.

Mayamaya bumitaw siya, humihingal. "Hanggang dito lang muna tayo," sabi niya.

"Tapusin na natin ito."

"Nag-aaral pa tayo. Isa pa, virgin pa ako."

Natawa ako. "Lalong mabuti." Ganoon ba kalakas ang self-control ng mga tinatawag na virgin? Makikipaglampungan nang todo, pagkatapos biglang aayaw, sesermonan ka, uuntagin ka tungkol sa mataas na moralidad para makonsiyensiya ka sa ginagawa mong kahalayan.

Hmm. Bitin. Kinuha ko ang bote ang bote ng beer sa ibabaw ng drawer, tumungga ako at hindi tumigil hanggang maubos ang laman. Bitin. Kinuha ko ang isa pang bote at inumpisahan kong inumin nang hawakan ito ni Cindy at inilapag sa drawer.

"Joshua, malalasing ka," banayad na sabi niya. Napaupo siya sa kama.

"Hindi na bale." Naupo ako sa tabi niya.

"Maging makatuwiran ka naman."

"Alam ko ang feeling ko."

"Hindi naman basta feeling lang."

"Alam ko."

"Then let's stop it."

"How can I stop if it feels so right?"

"Parang linya sa kanta 'yan, a."

"Dahil sa 'yo"

"Lasing ka na talaga."

"Hindi ako marunong malasing."

"Iinom nga rin ako."

"Bakit?"

"Para mawala ang aking inhibition."

"Mabuti't alam mo iyong term na iyon."

"Ano'ng akala mo sa akin, engot sa psychology?"

"Hindi naman. . . pero mahirap mawalan ng inhibition dahil lang sa alcohol. Nawawala ang kanyang taste, kaya lahat ay puwede na."

"So what kung mawala ang aking taste?"

"E di, guwapo na lahat ang tingin mo. Iyon ang ayokong mangyari."

"Seloso ka pala."

"Hindi naman. Sensitive lang siguro."

Tumayo siya. "Babalik na ako sa tindahan."

"Okey. Pero bitin."

"Wala ka talagang self-control. May ibang araw pa."

"Kailan iyon?"

"Basta, huwag muna ngayon. Huwag kang mag-alala. You're my only one."

I'm the only one. Hindi yata fair. Sinedyos mo ako nang todo at ngayo'y iiwanan mo na lang nang bitin. Parang walang nangyari, gano'n ba? Hindi ba sensitive ako? It's not fair.

Wala naman akong magawa, kaya sinamahan ko siya sa kanilang tindahan. Naroon pa rin si Kevin, ang kapatid niyang lalaki na mas bata sa kanya nang limang taon. Hindi ko makalimutan ang nangyari kanina at nagpahiwatig ako ng isang goodbye kiss. Hindi pumayag, may makakakita raw. Oo nga naman. Sige. No problem.

Bumalik ako sa apartment. Tuluy-tuloy na sana. Ngayon pa lang sana ako magkakaroon ng experience. Mainit pa rin ako kahit babad na sa yelo, pero kailangang maresolba ko rin ang tungkol sa bara ng ginto. Babae, diyan ka muna. Tutal makapaghihintay ka naman. Makatulog muna. . .

Bandang alas-sais, binuksan ko ang kabinet. Nandoon pa rin ang backpack. Maski medyo madilim ay parang kumikinang ang tingin ko dito. Napabuntunghininga ako. Milyon ang halaga nito. Hindi lang isa o dalawang milyon kundi multi-million kung ito'y mahigit na sampung kilo. Mayaman na ako! Para akong tumama sa lotto.

Lumabas ako, tumungo sa kitchen, binuksan ang ref, at inilabas ang isang frozen na manok para lutuing adobo.

Nang maluto ang ulam, may kumatok sa pinto. Hindi si Ate Mina kundi ang dalawa naming boarders na dalaga, parehong nasa first year college. Hindi kasama ang board kundi lodging lang ang binabayaran nila, pero boarders pa rin ang tawag namin sa kanila, pati ibang nagpapaupa ng kuwarto sa ibang lugar ay gano'n din ang tawag. Kung tatawagin ko silang lodgers, walang gagamit n'on kundi ako. Nandiyan na 'yan, e.

Ngumiti ako sa kanila. Ngumiti rin sila na parang ang ekspresyon ng mga mukha ay ngayon ko lang sila napansin. Siguro naiisip nila na ako'y binata na. Sa edad kong 16 ay tinutubuan na ako ng balbas, balahibong pusa nga lang, at sa taas kong five-eight ay parang huminto na ako sa pagtaas. Noong nakaraang taon ay five-five lang ako.

Tumuloy sila sa itaas, sa kuwartong para sa mga boarders, na ang katapat ay ang kuwarto ni Ate Mina. Narinig ko ang pigil na hagikgikan nila, excited yata sa ginawa ko. Mayamaya lumabas sila at bumaba ng hagdan. Kasalukuyan na kong kumakain ng adobo.

Inaya ko silang kumain at tikman ang aking kinakain.

"Milagro yata," sabi ni Lily.

"Birthday mo ba?" tanong ni Joyce.

"Hindi. Gusto ko lang na may kasabay sa pagkain."

"May pagkain din kami. Tikman mo rin," sabi ni Lily.

"Baka hindi mo magustuhan," sabi ni Joyce.

"Gusto ko. Ano ba iyon?"

"Dinuguan," sabay nilang sabi.

"The best! Paborito ko 'yan."

Pagkaraan ng isang oras, dumating si Ate Mina. Sinabi ko na kumain na ako at ako'y matutulog na. Nainom ko na rin ang beer na hindi ko naubos kanina.

"Nasa ref ang ulam," 'kako.

"Ang mga boarders?"

"Nasa itaas."

"Rosy cheeks ka yata?"

"Pampagana lang."

"Ilang bote?"

"Tatlo."

"Naging instant alcoholic ka yata."

"Hindi naman, ngayon lang."

"Sige, matulog ka na."

Pero hindi ako makatulog. Naupo ako sa paanan ng kama-umiikot ang mundo. Pumikit ako. Umiikot pa rin. Pinilit kong tumayo at lumakad, kahit pa-ekis-ekis, patungo sa kitchen. Naglabas ako ng malamig na tubig mula sa ref at uminom ng marami. Ang natirang tubig ay pinanghugas ko ng mukha, na masyadong oily at nag-iinit. Bumalik ako sa kuwarto, medyo humupa ang ikot ng mundo. Nahiga uli ako at pagkaraan ng ilang segundo, nakatulog ako nang mahimbing.

Kinaumagahan, masakit ang ulo ko. "Hang-over," ika nga ng mga magbubulok na lasenggo. Nagtimpla ako ng kape, black coffee na walang asukal-rekomendasyon pa rin ng mga lasenggo. Medyo sampalataya ako rito, dahil stimulant ang kape.

Bahagya lang akong sumigla nang mainom ko ang kape. Nagtimpla uli ako at tinapangan ko-isang kutsarang kape at isang kutsarang powdered milk (ayoko ng coffee creamer dahil wala namang sustansya ito) at konting asukal. Sariling reseta ko na ito. Ininom ko ito at wala pang dalawang minuto, naramdaman ko uli ang pagpintig ng aking puso at utak. Sumigla ako, nagkaroon ng dugo-may halong caffeine nga lang-at naghanda ng makakain.

Simple lang ang alam kong luto. Nagpirito ako ng patatas, may halong sibuyas, bawang, at hinaluan ko ng dalawang itlog, pagkatapos ay nagsangag ng kaning lamig na natira kagabi. Ako ang natutulog sa ibabang kuwarto, katabi ng sala, at maagang nagigising, kaya ako ang nagluluto sa umaga.

Naghahanda ako ng mesa nang bumaba sa hagdan si Ate. Sumunod na bumaba sina Lily at Joyce, naka-shorts yata sila ngayon. Hmm, bago ito, pero ayoko munang mag-isip.

"Kumain tayo," bungad ko sa kanila.

"Maliligo pa ako," sabi ni Ate.

"Sige," sabi ng dalawa.

Tuwing umaga ay gano'n naman palagi ang bati ko sa kanila, lalo na sa dalawang boarders. Pero kumain sila ng pagkain ko at kumain din ako ng pagkain nila. Iyan ang pagkakaiba ng umaga ko ngayon sa mga nakaraang umaga, kahit na bumalik uli ako sa ritwal na paghahanda ng pagkain, pagbibihis, at pagpasok sa eskuwela.





1

| Email this story Email this Novel | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.