Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



A novel in Filipino by Lorenzo A. Fernandez Jr., my real name. View table of contents...


Chapters:

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18

Submitted:Apr 11, 2011    Reads: 37    Comments: 1    Likes: 1   


Ibalik mo 'yan!" sabi ko kay Pugay.

Nakangisi pa siya na parang nagitla. Unang pagkakataon na tuwirang umalma ako sa kanya. Hinigpitan niya ang hawak na bolpen at iniamba sa akin. Sariling bolpen ko pa ang ipangsasaksak sa akin.

"Tarantado, sa akin ito!" sabi niya. "Marami akong bolpen, tingnan mo!" Ipinakita niya ang mga ninakaw niyang bolpen na nakalitaw sa kaliwang bulsa ng kanyang pantalon. Para siyang isang magnanakaw sa eksenang napanood ko sa TV na huling-huli na nga sa akto ay nagpapalusot pa at sinasabi niyang hindi niya magagawang magnakaw dahil mayaman daw siya. Bugok na nga'y sinungaling pa. Nahuli ko na nga siya na dinudukot ang bolpen sa bulsa ko, mangangatwiran pa!

Akala yata niya'y hindi ko pa rin siya lalabanan. Mas malaki ang katawan niya, parang kalabaw na nalahian ng buffalo na galing sa CLSU. Pero mas matangkad ako ng dalawang pulgada at may natutuhan sa karate sa madalas kong panonood ng bulok na pelikulang Intsik. Dito ko unang susubukin kong epektibo ang natutuhan ko.

Umigkas ang kaliwang paa ko at tumama sa kanyang kanang tuhod. Nawalan siya ng balanse at medyo napaikot. Isang matinding straight ang ibinigay ko sa kanyang nakalantad na panga. May lumagutok, ewan ko kung panga niya o ang aking kamao. Pero napabagsak ko siya. Ang balak ko'y itatanim ko ang aking paa sa kanyang ipinagyayabang na malaking kaha. May umawat sa akin sa likod, yumakap sa akin. Si Labino pala, barkada ni Pugay sa pagnanakaw, bihira siyang magnakaw ng bolpen, libro ang gusto, hindi dahil ambisyoso rin na tumalino kahit walang utak kundi mas malaki ang kita pag ipinagbili niya. Ang nakakabuwisit ay araw-araw pa silang pumapasok, trying hard, pero hindi nila ako kailanman naungusan sa mga exams kahit ako'y absinero. Ambisyosong mga magnanakaw lang sila na mga walang utak.

Aawat-awat pa kunwari si Labino, payakap-yakap, para libreng makaganti ang kaibigan niyang si Pugay, alam ko na iyan. Ginamitan ko ng siko sa tagiliran at sinundan ng isang backhand sa kanyang nguso. Umayaw na siya agad, duwag naman pala.

Nilingon ko si Pugay, nakatayo na siya. Sumipa-sipa siya, pero nasalo ko ang isang paa niya. Hinaltak ko palapit sa akin bago ko tinamnan ng kanang straight ang kanyang ipinagmamalaking dibdib. Nabuwal uli siya.

Isang malakas na silbato ang narinig ko mula sa security guard ng haiskul. Natigilan ako at tumahimik ang paligid. Hawak ang balakang, napapangiwi sa sakit si Pugay. Si Labino naman, sisinga-singa, nagpapahid ng panyo sa kanyang nguso, alagang-alaga ang kanyang sumabog na mala-jumbo hotdog na labi. Dumating ang ibang mga kaklase. Nakita ko rin si Cindy, lumapit sa akin.

"Nasaktan ka ba?" tanong niya.

"Wala 'yan."

"Kanina pa ako nanonood, ang galing mo pala!" tawa niya. "Parang si Karate Kid na sumabak sa dalawang hayop."

"A, basta, sa prinsipal na kayo magpaliwanag!" sabad ng security guard.

Sa principal's office, napansin ng prinsipal na wala akong kabukol-bukol, at ang dalawa'y todo ang ngiwi at aringking.

"Battery and assault ang ginawa mo, ano?" sabi niya.

"Hindi po ako ang nag-umpisa ng gulo," nasabi ko.

"Talaga pong saksakan ng gago ang dalawang iyan," sabad ni Cindy. "Nakita ko pong ninanakawan niya ng bolpen si Joshua." Nakaturo ang daliri niya kay Pugay at si Labino'y pa-awat-awat pero kasama din niyang magnanakaw, dagdag niya.

"Pero hindi tama na bugbugin mo silang dalawa," baling ng prinsipal sa akin.

"Sasaksakin po niya ako ng bolpen na ninakaw niya sa akin."

"Aba'y gago talaga. Pero kung wala nang kakayahan na gumanti ang kalaban mo, tigilan mo na siya. To be fair, suspindido kayong tatlo ng limang araw. Sa susunod na Martes na kayo pumasok, pero may bad record na kayo."

Hindi ako kontento. Kung iyong dami ng araw ng pagliban ko sa klase ang idadagdag niya sa limang araw, matutuwa pa ako at makaka-absent ako nang matagal.

Okey na rin, at least, natikman ng dalawang tarantado ang galit ko. Nakaganti na rin ako sa maraming bolpeng ninakaw at dalawang librong ninakaw naman ni Labino, walanghiya, two birds in one shot. Magaling din pala ang aking kamay at paa. Mas malayong malaki ang katawan ni Pugay. Ang duwag naman palang si Labino'y agad tumiklop, walang sinabi, uhugin, isang kamay lang ang ginamit ko. Kung talagang iisipin, naipong galit lang ang nag-utos sa akin at sumunod lang ang aking katawan.

O may kinalaman ba ang pagkapulot ko ng bara? Aba, pang-back up din pala ng manipis na katawan ang ginto. Parang ibig ko nang maniwala.





1

| Email this story Email this Novel | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.