Welcome Visitor: Login to the siteJoin the site



Isang malungkot na kwento tungkol sa isang kabataan.

Year Published: 2008
Literary Folio: Sa Tabi ng Bintana - The Sentry - The Student's Publication of Bulacan Polytechnic College.
Pen name used: Alexis D.


Submitted:Jan 4, 2009    Reads: 276    Comments: 0    Likes: 0   


Late na naman ako!

            Pambihira… Mukhang mahihirapan akong alisin ang salitang late bilang diskripsyon sa aking sarili. Kasing hirap ng pagpapaalis sa mga matatakaw na buwaya sa kasalukuyang gobyerno.

 

            Magagalit na naman sa’kin sina Gelo, mga dati kong kasamahan sa ‘Falcon’ na isang pang-estudyanteng publikasyon sa Kolehiyong pinagtapusan namin. Dalawang taon na kaming gradweyt pero hindi pa rin namin magawang iwanan ang organisasyong iyon. Para bang naiwan namin doon ang aming puso o mas tamang sabihing sadya naming iniwan? Sapagkat sa ganoong paraan, magagawa naming bumalik sa Falcon na siyang naging tahanan namin sa loob ng maraming taon. Sabay-sabay kaming natuto at namulat sa mga bagay na dapat ay nakikita ng aming dating bulag ng mga mata. Kaya hindi na nakapagtatakang mahalin namin ang Pub.

            BEEEEEPPP!!!

            Namanhid yata ang aking buong katawan. Putlang-putla pa ang mukha ko at ni hindi ko kayang gumawa ng kahit isang hakbang man lang.

            Galit na galit ang drayber habang papasugod sa akin. “Tarantado ka! Magpapakamatay ka ba?!” sigaw nito sabay duro pa ng daliri sa aking mukha.

            Kung hindi lang sana ako na-shock, malamang nasagot at nasapak ko si manong drayber. Pero hindi maalis sa isip ko na kamuntik na akong masagasaan ng higanteng bus! Kung hindi pa nakapagpreno ang drayber, tiyak na nasapul na ako ng sasakyang minamaneho nito. Kapag nagkataon, nakaharap ko ng wala sa oras si kamatayan…

            Pambihira! Bakit ba palagi akong wala sa sarili? At hindi ko pa maiwasang hindi mahulog sa isang malalim na pag-iisip. Kahit ako, nagtataka na sa sarili ko. Kamuntik na akong madisgrasya dahil sa katangahan ko!

            Papunta ako ngayon sa 2nd Reunion ng Falcon na gaganapin sa isang sikat na resort sa Malolos. Sumakay ako ng traysikel ngunit kagyat munang nagduda pagkasulyap sa drayber na isang binatilyo at mukhang mas matanda pa ako ng limang taon dito. “Bata, ikaw ba ang drayber?” tanong ko.

            “May sakit ang tatay ko kaya ako muna ang papalit sa kanya.” Sagot nito.

            Sa kaisipang isang binatilyo lamang ang maghahatid sa’kin patungo sa aking destinasyon ay hindi ko maiwasang hindi kabahan. Ngunit wala na akong magagawa, late na ako sa usapan namin nina Gelo na 10 o’clock sharp at hindi na pwedeng mag-inarte.

            Parang nakikinita ko na sa aking isip na namumula na ang mukha ni Gelo dahil sa sobrang galit. Natawa ako, sapagkat may dagdag rason na naman para hindi matubuan ng buhok ang nangingintab  na ulo ng binata.

            Hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Nagpahatid na ako sa binatilyo patungo sa aking destinasyon.

 
 
 
 
                                             •••••
 
            Isang taon ang matuling lumipas.

            Hindi pa rin ako nagbabago. Katulad ng dati, palagi pa ring late. “Sorry, guys! Traffic kasi!” saad ko pagkarating sa meeting place ng barkada.

            Inaasahan ko na ang madalas nilang interogasyon sa akin. “Saan ka ba galing?”, “Bakit ba ang tagal mo?”, “Dalawang oras ka nang late!” at “Ang tanda mo na, hindi ka pa rin nagbabago!”.

            Pero hindi nangyari ang inaasahan ko. Dahil ni isa kina Gelo, Emily, James, Aries at Chris ay walang nagsalita. Tahimik lang silang lahat.

            “May problema ba?” tanong ko. Tila kasi pinagbagsakan ng langit at lupa ang mga itsura nila. Ngayon ko lang ulit nakita sila sa ganoong ayos. Kalian nga pala ‘yung huli? Ah, oo nga pala. Noong grumadweyt kami ng College at nagpaalam na sa Falcon. Pero, parang mas malala pa ang itsura nila ngayon. At parang gusto kong matawa dahil pareho silang nakaitm.

            “May patay ba?” biro ko.

            Ngunit walang sumagot. Nagsimula na akong kabahan at pagpawisan ng malapot. Parang ayokong pakinggan ang anumang sasabihin nilang masamang balita.

            Tinitigan ako ni Emily. Isang klase ng titig na para bang gusto nang humgulhol ng iyak. Sa lahat ng miyembro ng Falcon, sa kanya ako pinakanawiwirduhan. Marami kasi siyang nakikita na hindi naman dapat nakikita ng mga mata.

            Ayokong magtanong, pero hindi naman pwedeng wala akong alam.

            Ramdam ko ang bigat ng hindi pa nakikitang problema na pasan ng lahat.

            “Ano ba talagang problema?” nagsimula na akong mag-alala. Ngunit wala namang sumasagot.

            Nagbaba ng tingin si Emily.

            Nakatingin naman sa labas si Aries at waring malalim ang iniisip habang napapabuntung-hininga naman si James. Si Chris naman ay nakatitig sa litrato

ng barkada na kinunan noong reunion ng nakaraang taon.

            Napalitan ng inis ang ang pag-aalala ko. Ito ang pinakapangit na reunion ng Falcon. Tinitikis ako ng lahat. At alam kong dahil iyon sa pagiging late ko. Tiningnan nga ako ni Emily, ngunit hindi naman sinagot ang tanong ko. Para bang hindi ako nag-eexist sa mundo?

            Pinagkakaisahan nila ako, iyon ang nararamdaman ko. “Pwede ba? Kung galit kayo sa’kin, sabihin n’yo! Hindi ganitong para akong tanga na naghihintay na pansinin ninyo!”

            Si Emily ang sumagot ngunit napakalayo naman sa naging tanong ko kanina. “Hindi niya alam.” Aniyang may kasama pang hikbi. “Hangang ngayon, hindi pa rin niya alam…”

            “Hindi ko alam?! tanong ko sa mataas na boses, na parang pasigaw na ang dating. “Ano ba;ng sinasabi mong hindi ko alam?!” alam kong ako ang tinutukoy ni Emily, bagamat hindi siya sa akin nakatingin.

            Maya-maya’y tumayo si Gelo. Sa nakikita kong anyo niya ngayon, hindi ang dating Editor-in-chief ng Falcon na istrikto at nakakatakot ang tingin ko sa kanya, kundi isang talunan at ang natalo mula dito ay para bang isang napakahalagang kayamanan. “Tara na.” aya ni Gelo sa mga kasama ko. Hindi ko alam kung saan sila papunta pero naiintriga talaga ako ng todo sa mga ikinikilos nila. Bukod dun, gusto kong malaman kung ano ang problema ng barkada.

 
 
•••••
 
            “Sementeryo?!” bulalas ko. “Bakit dito?”

            Katulad kanina, wala pa ring sumagot. Si Emily na noon ay namumula na ang mga mata dahil sa pag-iyak ay ngumiti sa akin. Sa wakas, kinausap niya ako. “Joey, panahon na para makapagpahinga ka.”

            Makapagpahinga?

            Ako? Bakit?

            Hindi ko talaga siya maintindihan. Tila nagsisimula na naman ang topak at kawirduhan ni Emily. At ako pa ang gustong paglaruan!

            Pagod na ako, kanina pa kasi ako nakatayo. Hindi kasi ako nabigyan ng pagkakataong makapagpahinga sa restaurant kanina. Umupo ako sa tabi ng isang lapida. Kung hindi ako nagkakamali, ang pangalang nakaukit sa lapida ang taong dinadalaw nina Gelo.

            Sinulyapan ko ang pangalang nakaukit doon, upang magulat lamang

at mapatayo ulit. Kilala ko ang may-ari ng pangalang iyon.

            Kilalang-kilala.
 

                        Josephine “Joey” Zamora

                        Born: January 08, 1986
                        Died:   February 10, 2007
 

            Saka ko lang naalala ang naganap na aksidente noong nakaraang taon. Papunta ako nun sa 2nd Reunion ng Falcon, sakay ng traysikel na ang nagmamaneho ay isang binatilyo. “May sakit ang tatay ko kaya ako muna ang papalit sa kanya.” Naalala kong sinabi ng drayber. Nasa McArthur Highway na kami malapit sa meeting place namin ng mga dati kong kasamahan sa Falcon. Nawalan ng kontrol sa traysikel ang kasama kong drayber at sumalpok sa paparating na Truck.

            Pagkatapos ng pangyayaring iyon, hindi ko na alam ang sumunod na nangyari.

            “Nakaligtas sana siya kung hindi lang niya binalikan ang drayber ng traysikel. Isa siyang tangang pilit na nagpapakabayani kahit hindi naman bagay.” Saad ni James.

            “Sa lahat ng pwede nilang banggain, bakit sa Gasoline Truck pa?” bulalas naman ni Aries.

            “Ang babaeng iyon.” Putol ni Gelo sa kanyang pananahimik kaya naman napatingin ako sa kanya. “Sa lahat ng kalokohang pinaggagawa niya, ang pagkatiwalaan ang isang batang drayber ang pinakamalala.” Nagulat ako maging ang ibang nakasaksi ng may tumulong luha sa mga mata ni Gelo. “Nabalewala ang pagpapakatanga niya. Pareho silang nalitson ng bata.”

            “Gelo…” anas ko. Si Angelo Sandoval ang pinakamatapang sa kanilang lahat at kahit kailan ay hindi pa nila nakitang umiyak ang binata at sa harap pa ng puntod ko.

            Sinulyapan ko ulit ang aking lapida.

            Walang dudang pangalan ko ang nakaukit doon at katawan ko naman ang nakalibing sa ilalam nito.

            Ngayon ko lang napagtanto kung bakit si Emily lang ang pumapansin sa akin. Dahil siya lang naman ang may kakayahang makakita ng mga kaluluwang namayapa na katulad ko.

            Nginitian ko ang dati kong kasamahan sa pagsusulat na hanggang ngayon ay wirdo pa rin sa paningin ko. “Salamat…”

            Bumalik ako ng upo sa tabi ng aking puntod at niyakap ang aking sarili. Hindi ko kayang ipaliwanag ang nadarama ko nang mga oras na ito.

            Nagalit sina Gelo sa akin. Hindi dahil sa pagiging late comer ko.

            Hindi naman kasi ako na-late, hindi lang talaga ako nakarating.





0

| Email this story Email this Short story | Add to reading list



Reviews

About | News | Contact | Your Account | TheNextBigWriter | Self Publishing | Advertise

© 2013 TheNextBigWriter, LLC. All Rights Reserved. Terms under which this service is provided to you. Privacy Policy.