my 2nd post..a tagalog short story..It was published on our school paper when I was in high school.

Naiwang Pangako

Ni missraine08

Hindi natin maiiwasan ang pagiging tuso ng kapalaran lalo na kung buhay ang pinanghahawakan nito. Kaya ang kapalaran natin ang may malaking epekto sa mundong ginagalawan ng bawat isa sa atin.

Ako nga pala si Kate. Dalawampu’t limang taon na ako. Natatandaan ko pa noon, labingtatlong taon pa lamang ako at nasa unang taon ng hayskul. Papasok pa lamang ako sa eskuwelahan nang marinig ko ang bell na hudyat ng simula na ng klase. At dahil alam ko ng mahuhuliako, nanakbo ako papasok hanggang makaramdam ako ng unti-unting pagkahilo at napansin kong dumudugo ang aking ilong. Agad na dinalaako ng mga nakakakilala sa akin sa klinika ngunit nawalan din ako ng malay.

Nasa ospital na pala ako nang magkamalay na. nakita ko si mama na umiiyak kausap ang isang doctor. Napansin ko rin ang dextrose na ikinakabit sa akin ng nurse habang nakahiga ako. Nakita ni mama na gising na ako at agad niya akong nilapitan habang pinupunasan niya ang luha sa kanyang mga mata. “Mama, hindi ba may trabaho ka pa? Bakit tayo nandito?” tanong ko na naguguluhan “Anak, magpahinga ka muna para gumaling ka agad.” Kitang-kita ko ng mga sandaling iyon na pinipilit niyang ngumiti kahit halata kong malungkot siya. Sa hindi ko malamang dahilan bigla akong inantok at nakatulog akong muli.

Nararamdaman ko ang mga tao sa paligid ko pero parang may pumipigil sa akin na gumising o imulat man lamang ang aking mga mata. Hanggang sa isa-isa silang magsi-alisan at tuluyan akong iwan sa loob ng isang kwarto sa ospital.

Bigla kong naramdaman na may nag-bukas sa kaliwa kong mata habang mahimbing ang pagkakatulog ko. Bumangon ako na nakaupo at nasa harap ko na ang isang binatang lalaki na hindi naman pamilyar sa akin. Nakangiti siya at umupo sa upuan na katabi ng higaan ko.

“Sino ka?Pinayagan ka ba ng mama ko na pumasok dito?” nagagalit kong tanong sa kanya. “Shhh!!” at hinawakan niya ang bibig ko. “’Wag ka maingay, wala kasi akong mataguan.” sabi niya “ Bawal ka dito! Siguro pasyente ka rin dito noh? Pareho tayo ng damit eh.” “Oo na, sige pag maingay ka pa hahawaan kita, may dengue ako.” “Eh hindi naman nakakahawa yun ah?” “Basta tumahimik ka na lang diyan.” “Eh, bakit ka nandito ‘di ba dapat nandun ka sa kwarto mo?” “Nakita ko kasi yung nurse na may hawak na injection tapos itutusok na niya sa braso ko kaya nanakbo na ako kung saan-saan. Ito lang yung kwartong nabuksan ko kaya dito na ‘ko nagtago kanina.” “Ang laki-laki mo na takot ka pa sa injection.” “Oo na, eh ikaw ‘di ka ba natatakot sa injection?” “Hindi, hindi naman masakit yun eh.” hindi na niya ako sinagot agad at sa halip tiningnan niya ang I.D. ko na nasa lamesa. “Kate Bellafuerte, ikaw ba ‘to?” tanong niya. “Oo, bakit?” “Hahaha! Ang pangit mo naman dito.” asar niya “ Aba, nandito ka ba para asarin lang ako tsaka teka, kanina ka pa dito ‘di mo pa sinasabi pangalan mo?” “Yuri, Yuri Callisto ang pangalan ko. First year ka na pala. Ilang taon ka na ba?” “Labintatlo, ikaw?” “Ako? Labinglima kaya nga pangatlong taon ko na sa…” hindi pa niya naitutuloy ang sasabihin niya ng biglang pumasok si mama. “Kate??” gulat na tanong ni mama. Bago pa ako sumagot ay tumakbo na palabas ng kwarto ko si Yuri. “Sino yun? Kilala mo ba iyon?” “Bago ko siyang kaibigan si Yuri nakaconfine din siya sa ospital na ‘to.” “Ikaw ah,huwag kang magpapapasok ng ‘di mo kilala. Heto kumain ka na para lumakas ka.” “Mama, ano ba talagang sakit ko?”“ Basta gagaling ka din agad.” “ Eh bakit ka umiiyak kagabi?dahil ba sa ‘kin?” “Basta kailangan mong magpagaling para makapasok ka na ng school.”

Hindi ko alam kung ano ba talaga ang sakit ko noon at kung bakit ayaw sabihin ni mama iyon. Pero dahil sa ina ko siya, sinunod ko ang lahat ng ipinagbibilin niya. At habang tumatagal ako sa ospital parang ayoko na rin umalis dahil sa isang pagkakaibigang nabuo.

Ang mga sumunod na araw ay hindi ko na kasama lagi si mama. Nababagot na ako sa loob ng aking kwarto kaya hinintay ko na may magbubukas ng pinto kahit man lang nurse ang pumasok dito. Habang naghihintay, dumungaw ako sa bintana na kalapit ng hinihigaan ko. Naiinggit ako sa mga batangkasama ang kanilang mga ama. Dahil matagal nang yumao ang ama ko. Tatlong taon pa daw ako noon ng mamatay siya dahil sa isang sakit kaya siguro ganito na lamang ang pag-aalala at pag-aalaga ni mama sa akin.

Hindi rin nagtagal narinig ko na umungit ang pintuan. Sigurado akong may nagbukas nito. Pero ibang tao ang pumasok kaysa sa inaasahan ko, si Yuri na naman. “Kamusta ka na? Hahaha. Kawawa ka naman pala kaya ka di siguro makaalis dito kasi nakakabit sa kamay mo ang tubong ito?” “Para sa kaalaman mo hindi tubo iyan dextrose ang tawag dito. Hayskul ka na pero ‘di mo pa alam?”

“Ito naman hindi na mabiro.” Mula noon lagi na niya akong pinupuntahan.

Gabi na ng bumalik si mama “Anak, napagdesisyunan ko na sa Amerika ka na ipagamot dahil madali kang gagaling doon.” “Pero mama paano yung trabaho mo dito?” “Isipin ko pa ba un? Anak ikaw ang mahalaga.” at niyakap niya ko. Doon ko narandaman na ang pagmamahal nya sa akin ay walang katumbas na anumang bagay.

Humigit sa isang buwan na naka-confine kami. Dito lumalim ang pagkakaibigan namin. Hanggang sa inamin ko sa kanya na hindina ako magtatagal sa Pilipinas at ipapagpatuloy ko ang aking pagpapagamot sa Amerika. Labis siyang nalungkot at nais niyang mag-iwan kami ng pangako sa isa’t-isa. “Kate, ito ang address ko kahit gaano ka man katagal umuwi hihintayin kita dito. At iyo lang ang pag-ibig ko.” “Oo. Yuri, aasahan ko na tutuparin mo ang pangako mo at pangako ko sa iyo na babalikan kita.”

Yun na ang huling pagkikita at paguusap namin, pero may pag-aalinlangang pumasok sa isipan ko. Ngunit iniisip ko din na matutupad namin ang pangako sa isa’t isa. At wala mg humahadlang sa pagpunta namin ni mama sa Amerika.

Agad na nag-impake si mama. Alam kong marami kaming iiwanan dito pero sabi nga niya ako ang mahalaga. Iniisip ko kung gaano na ba kalala ang sakit ko kaya mangingibang bansa pa kami para lang gamutin ako.

Pagpunta namin sa Amerika, naka-confine pa rin ako. Dito ko na nalaman na may cancer ako, oo, cancer sa dugo at kailangan ko daw dumaan sa bone marrow transpalant.

Natutulog ako ng marinig ko ang paguusap ni mama at ng isang amerikanong doktor. Nagkukunwari akong natutulog pa rin habang pinakikinggan sila. Isang masamang balita pala ang pinaguusapan nila. Nahihirapan daw ang mga doktor na humanap ng donor dahil wala silang makitang bone marrow na pwede sa edad ko. At kailangan pa daw naming maghanda nd malaki-laking pera kung sakali. Kung wala daw makikitang donor, mga ilang buwan ay maaari ng taningan ang aking buhay.

Hindi ko mapigilang lumuha ng mga sandaling iyon. Parang nawalan ako ng pag-asang lumaban pa. Para saan na lamang din ang lumaban kung kaunting pag-asa na lang ang natitira na maligtas pa ako.

“Anak, ‘wag mong iiwan si mama ha.” Agad niyang sinabi ng ako’y magising sabay yakap sa akin “Mama, ayokong iwan ka tsaka maraming naghihintay sa akin sa Pilipinas.” “Ganyan nga, isipin mo na lang na lagi akong nandito.” Noong mga sandaling iyon, hindi ko mapigilang lumuha at umiyak. Ayokong iwan ang mga taong naghihintay at umaasa sa akin na ako’y gagaling.

Ilang araw ang lumipas unti-unting nawala ang pag-asa sa akin. Mag-iisang buwan na at natatakot akong dumating ang araw na tataningan na ang aking buhay. Ngunit pumasok ang doktor sa aming silid. At inihatid niya ang mabuting balita na meron ng magdodonate sa akin ng “bone marrow”. Labis-labis ang tuwa naming mag-ina. Salamat at kahit nawalan pa ako ng pag-asa may Diyos pa rin pala.

Itinakda na nila ang operasyon kasabay ng pananalangin namin. At makaraan ang ilang araw natapos din ang operasyon. Lubos talaga akong nagpapasalamat sa nag-donate at lalong lalo na sa mga doktor na kahit hindi ko sila kalahi ay matiyaga nila akong tinulungan at dugtungan ang aking buhay. Masayang-masaya ako at matutupad ko na rin ang pangakong binitiwan ko kay Yuri.

Pero ang inaakala kong madali lang ay hindi pala. Isinailalim pa ako sa maraming therapy araw-araw para daw sa tuloy-tuloy kong paggaling. Pero masyado na akong naiinip. Hanggang sa sinabi sa akin ni mama na dito na lamang ako sa Amerika magpapatuloy ng aking pag-aaral. Magkahalong damdamin ang aking naramdaman. Parang gusto kong mag-wala at umiyak pero may pumipigil sa akin, ang aking konsiyensya. Ibinigay sa akin ni mama ang lahat at bakit ko naman siya hindi pagbibigyan sa gusto niya.

Dumaan ang marami pang buwan ng pamamalagi ko sa Amerika. Ngunit hindi ko pa nakaklimutan ang pangako ko kay Yuri.

Lumipas ang mga taon at malapit na akong magtapos sa kolehiyo sa kursong Nursing. Tuluyan akong umaasa na sana ay makilala at makita ko pa si Yuri.

Ngayon anim na buwan nang lumilipas, naka-gradweyt na ako. Ganap na kong nars at may trabaho na rin. Pero kahit minsan ay hindi ako tumingin sa ibang lalaki dahil umaasa akong matutupad ko ang aking naiwang pangako. Hindi rin nag-tagal nag-desisyon na akong iwan ang aking trabaho at umuwi ng Pilipinas.

Sabik na sabik na akong makita siya at umaasa akong makikilala pa niya ako. Dahil halos walong taon din akong namalagi sa Amerika. Gusto kong maramdaman niyang siya ang dahilan sa muli kong pagbabalik dito sa Pilipinas.

Sa aking pagbabalik, mula pa noong labintatlong taon ako ay kitang-kita ko ang malaking pagbabago ng Pilipinas. Agad kong hinanap ang tinitirahan ni Yuri. Ngunit nang magtatanung-tanong ako sa mga nakatira malapit doon,ayon sa kanila dalawang taon na daw walang nakatira sa bahay nila Yuri.

Hindi ko inaasahan ang pangyayaring iyon. Kaya naman nagsadya na ako sa ospital kung saan ako unang dinala noon, sa ospital kung saan pareho kaming naconfine. Buti na lang at naabutan ko pa ang kakilala kong nars doon na si Mimi. Nagtanong ako sa kanya ng mga impormasyon tungkol kay Yuri Callisto. Sinamahan ko siya sa isang malaking bodega kung saan nakalagayang napakaraming dokumento. May mga hinanap siya at ibinigay na ilang papel sa akin. “Ito...ahm...’di ko sigurado kung siya talaga‘yan” parang nagdududa niyang tanong. Nang aking makita isang “death certificate” na nagsasabing limang taon na siyang patay. Namatay siya sa isang aksidente. Hindi ako makapaniwala sa aking nalaman at agad akong lumabas ng ospital at napahagulgol. “ Paano na ang pangako niya sa akin?

Dumaan ang isang linggo na pinilit kong makarekober. Sinubukan kong kalimutan ang masamang panaginip na iyon. Hindi nagtagal nagtrabaho na rin sa ospital kung saan nagtatrabaho si Mimi.

Unti-unti, hindi ko nararamdaman ang sakit. Hanggang sa mahulog ang aking loob sa isang anak ng doktor. Siya si Daniel Tan. Isang taon din ang tanda niya sa akin. Tapos din siya ng Business Administration sa isang tanyag na unibersidad at nagtatrabaho sa kompanya ng mama niya. Matagal dinpanahon niya akong niligawan. Hanggang sa yayain niya akong magpakasal at dahil sa mahal ko na siya at wala namang dahilan para tanggihan ko siya pumayag din ako na magpakasal sa kanya. Dito ko nasabing panahon na para isipin ang aking bukas at hindi na lumingon sa madilim na nakaraan.

Isang araw sa aking trabaho. Hiningian ako ng aming doktor ng mga records ng mga nakaraang operasyon. Kaya naman sa may lumang bodega ako naghanap. Habang tumitingin ako sa mga papeles, napansin ko ang karton na naglalaman ng maraming dokumento. Isang dokumento ang umagaw ng aking pansin nang mabasa ko ang pangalan ni Daniel dito. Dito ko nalaman na na-operahan siya sa puso noong nakaraan pang limang taon. Napansin ko rin ang isang papel na sumunod dito. Sinasabi sa dokumento na si Yuri Callisto ang donor ng aking magiging asawa. Isang paglalaro ng tadhana. “Patawad, at salamat na rin sa pagtupad mo ng iyong pangako Yuri.’’

*TAPOS*


Submitted: January 07, 2010

© Copyright 2023 missraine08. All rights reserved.

Add Your Comments:

Comments

Silver Shadow

Hmmm... it looks good, but I can't understand a word! is it Chinese or something?

Mon, January 11th, 2010 9:25pm

Author
Reply

oh I'm sorry..it is in filipino, our language here. But I'll strive to publish it in English,'coz sometimes I find it hard to translate. But if you want to understand it (if you want) you can translate it to google. the site is 'translate.google.com'
It's up to you if you mind reading it.But thanks for checking out this work from me. =)) Have a nice day..

Mon, January 11th, 2010 2:35pm

Facebook Comments

More Literary Fiction Short Stories

Other Content by missraine08

Poem / Poetry

Short Story / Literary Fiction

Book / Romance