Ang Pighati ng Isang Pamilya

Reads: 740  | Likes: 0  | Shelves: 0  | Comments: 1

More Details
Status: Finished  |  Genre: Literary Fiction  |  House: Booksie Classic
Ang pagsubok ng isang mag-anak na ninais nilang malampasan ngunit sadyang malupit ang tadhana.
WARNING : Cliche
(My project in Retorika)

Submitted: December 20, 2011

A A A | A A A

Submitted: December 20, 2011

A A A

A A A


<p>

Naririnig sa buong kabahayan ang malakas na pagpatak ng ulan dahilan na rin sa walang kisame at tanging yerong bubong lamang -na kaunting ihip pa ng malakas na hangin na dala ng bagyo ay matatangay na- ang nagtatanggol sa kanila sa mabangis na bagyo. Nakahiga si Elsa sa isang banig na nakalatag sa sahig habang ang ina naman niya ay hindi mapakali kung ano ang gagawin. Kahapon pa inaapoy ng lagnat ang pobreng bata, pinunasan ng basang bimpo ng kanyang ina ang mainit na katawan ni Elsa upang humupa ang lagnat ng bata. Ang mag-ina lamang ang nasa bahay sapagakat ang iba nilang kaanak ay kasalukuyang nasa bukid, sinasagip ang mga pananim na kasalukuyang sinasalanta ng bagyo. Bumukas bigla ang bintana dala ng malakas na hangin at tanaw mula sa bintana ang hagupit ng bagyo, dali-daling tumayo ang ina sa kanyang kinauupuan at sinara ang bintana upang hindi pumasok ang lamig ng hangin at ang ulan na dala ng bagyo.

Habang pinapakain ng ina si Elsa ay may kumatok sa pinto, sandaling iniwan ng ina ang anak upang tingnan kung sino ang kumatok. Binuksan ng bahagya ng ina ang pintuan upang masulyapan ang kumatok, nagpakawala ng hininga ang ina ng mapagtanto kung sino ang nakatayo sa kanilang hagdan. Isang matangkad na tao na may kilik na gulok at basang-basa dahil sa ulan.

“Kamusta na si Elsa?” Ang pagbating tanong ng lalaki habang siya ay pinapapasok ng ina sa loob ng bahay at binigyan ng tuwalya.

“Mataas pa rin ang lagnat, kaylangan na natin siyang ipagamot Elias.” Sabi ng ina sa kanyang asawa habang si Elias ay nagtutuyo ng buhok.

“Nena, wala tayong pambayad, halos wala na nga kaming nailigtas na pananim sa bukid. Nawala ang apat na buwang pag-aalaga sa mga pananim sa isang iglap.” Ani ni Elias habang siya ay nagpapalit ng damit. Napayuko na lamang si Nena at dahan-dahang lumisan sa tabi ng asawa upang balikan ang maysakit na anak at tinuloy ang pagpapakain dito ng lugaw.

“Inay, si Ama po ba ang kausap ninyo?” Tanong ni Elsa sa pabulong na paraan. Tango ang isinagot ng ina.

“Ubusin mo ito upang mapabilis ang iyong paggaling.” Mahinang tumango si Elsa at ibinuka ang bibig upang bigyang pahintulot ang ina na isubo ang kutsara na naglalaman ng lugaw. Matapos maubos ang pagkain ni Elsa ay pinunasan muli siya ng kanyang ina at pinalitan ng damit upang maging presko ang pakiramdam niya. Kinumutan siya ng ina upang hindi lamigin at nilagyan ng basang bimpo ang noo, pagkatapos ito gawin ng ina ay hinayaan niya ng bumalik sa tulog anak.

“Elias, nasaan nga pala sina Juan at Anita?” Tanong niya sa asawa ng siya ay pumasok sa kusina upang hugasan ang pinagkainan ni Elsa. Naabutan niya itong kumakain ng tirang ulam at bahaw saka niya napagtanto na wala ang iba nilang anak.

“Pinapunta ko na muna kay Ingkong Selo, malapit lang kasi ang bahay nito sa bukid kaya doon ko muna sila pinatuloy. Baka pati sila ay magkasakit kung isasama ko pa sila dito pauwi.” Sagot niya pagkatapos niyang lumagok ng tubig, Si Ingkong Selo ang ama ni Elias at ang may ari ng bukid na sinasaka ng buong mag-anak.

“Mabuti na rin kung ganoon. Kung nagkataon ay hindi lang si Elsa ang nakahiga sa banig.” Ngumiti si Elias ngunit makikita sa mata nito ang kalungkutan na nadarama.

“Susubukan kong humiram ng pera kay dikong Domeng upang mapatingnan na rin si Elsa sa doktor.”

***

Humupa na ang malakas na ulan at natutulog ng mahimbing si Nena ng bigla nalamang nanginig si Elsa sa tabi niya. Napaupo siyang bigla at hinawakan ang anak na inaapoy ng lagnat. Bumilis ang tibok ng puso ni Nena ng makitang umikot ang mga mata ni Elsa at bahagya na lamang ang nakikitang itim sa balintataw nito.

“Elias! Kinukumbulsyon si Elsa, Elias!” Narinig niya ang mabilis na pagtakbo ng asawa mula sa balkon kung saan ito natutulog. Dali-daling pumasok si Elias sa kwarto at kinarga ang anak. Si Nena naman ay kinuha ang pitaka sa tokador na naglalaman lamang ng singkwenta pesos at sumunod sa asawa na nagmamadaling maglakad.

Malayo ang bahay nila sa kabihasnan at ang tanging paraan lamang upang makarating sa Sentro ng bayan ay ang pagsakay sa kalabaw o paglalakad. Ang huli ang ginawa ng mag-asawa. Takbo-lakad ang ginawa ng mag-asawa habang ang kanilang anak ay nanginginig sa bisig ng kanyang ama. Kung maari nga lamang ay lumipad na si Elias patungong pagamutan upang mapatingnan kaagad sa mga manggagamot ang anak ngunit hindi naman ito maaari. Makalipas ng isa't kalahating oras ay nakarating na rin sila sa pagamutan.

“Tulong! Tulong! Kinukumbulsyon ang anak ko!” Ang sigaw ni Mang Elias habang tumatakbong papasok sa Health Center ng bayan ng San Isidro. Agad naman silang nilapitan ng isang nars ngunit ganoon na lamang ang dismaya ng mag-asawa ng tanggihan sila sa pagamutan dahil wala silang dalang sapat na pera upang ipagamot ang anak. “Malayo pa ang pinanggalingan namin, hindi nyo ba pwedeng tingnan ang anak ko. Maawa na kayo, huwag na sa amin. Sa anak na lang namin. Nakikiusap kami ng asawa ko.” Pakiusap ni Mang Elias sa nars habang si Aling Nena naman ay tahimik na umiiyak sa tabi ng asawa.

“Pasensya na po talaga, sumusunod lang po kami sa patakaran.” At iniwan na sila ng nars. Walang nagawa ang mag-asawa kaya't dinala na lamang nila ang anak, na ngayon ay tumigil na sa panginginig ngunit mataas pa rin ang temperatura, sa bahay ni Ingkong Selo.

“Ama.” Pagtawag ni Elias sa kanyang ama habang si Nena naman ay kumakatok sa pinto. Makalipas ng ilang sandali ay pinagbuksan sila ng panganay na anak nilang si Juan.

“Inay, Ama ano ang nangyari kay Elsa?” Tanong nito sa magulang habang pinapapasok sila sa sala kung nasaan nakaupo sa kawayang upuan ang nagpupungas pang si Anita at si Ingkong Selo.

“Kinumbulsyon si Elsa. Dinala namin siya sa pagamutan ngunit tinanggihan lang kami. Wala na kaming ibang malapitan kaya't dito na lang namin naisip ni Nena na dalhin si Elsa.” Ani ni Mang Elias sa ama. Tumango si Ingkong Selo sapagkat naiintindihan niya ang sinasapit ng kanyang anak at ng pamilya nito.

“O siya, ihiga mo siya sa papag. Juan, tulungan mo akong mag-ayos ng mga halamang gamot.” At tumayo si Ingkong Selo sa kanyang kinauupuan, si Juan naman ay sumunod sa kanyang lolo patungo sa kusina upang ihanda ang gagamitin nilang panggamot kay Elsa.

Samantala, inihiga ni Mang Elias ang anak sa papag at si Anita ay dali-daling umupo sa tabi ng nakababatang kapatid ng dalawang taon at hinimas ang braso.

“A-Ate.” Mahinang tawag ni Elsa sa ate nito.

“Nandito si ate, Elsa.” Bulong nito sa kapatid habang patuloy ang paghimas sa braso nito. Inabot niya ang kamay sa kapatid. Nakatingin lamang ang kanilang magulang sa kanila ng bigla na lamang bumitiw sa pagkahaw si Elsa sa kamay ng kanyang ate. Isang malakas na pag-iyak ang narinig sa buong kabahayan.

</p>


© Copyright 2017 nhejie. All rights reserved.

Add Your Comments:

Comments

avatar

Author
Reply

More Literary Fiction Short Stories